KAPAG binigyang-babala ang tampalasan upang magbago at hindi siya nakinig, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, at maliligtas ka. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Ez 33:7-9; Rom 13:8-10; Slm 95:1-2, 6-7, 8-9; Mt 18:15-20) sa ika-23 linggo ng karaniwang panahon.
Malinaw sa Pagninilay na ang Diyos man ay nagagalit din, nagbabanta ng kamatayan, nagpupula. Kailangang magalit na dahil ang pinapatay ay walang laban at di lumalaban. Magbanta na dahil gasgas na ang dahilang “may baril, lumaban, kaya pinatay.”
Sa kabila ng payo ng pari sa mga pulis-Caloocan (teritoryo ng dalawang diocese, Caloocan [Bishop Pablo David] at Novaliches [Bishop Antonio Tobias]), tila tengang kawali sila. Sa Malolos City (Diocese of Malolos, Bishop Jose Oliveros), masunurin ang mga tauhan ni Supt. Heryl Bruno, kaya’t may pagkilala (awards) ang simbahan ng Carmelo (Barasoain) sa magagandang ginagawa ng pulis.
Awit nang muli kong narinig ang pangalang Manases (di ako bilib sa apelyidong Carpio, dahil sa isang ale). Si Ezequias ang ama ni Manases, at si Manases ang ama ni Amos, na ama naman ni Josias, anang Mateo 1:10, sa talaang pinagmulan ng angkan ni Jesus, ang tagapagligtas.
Sige Polong, Inday, Digong, banatan ninyo si Trillanes. Huwag ninyong titigilan. Huwag ninyong dibdibin baka bumigay ang puso ninyo. Banatan lang ninyo. Banatan pa. Nakalulungkot ang nangyari kay Angelo Reyes. Ininsulto nang husto ni Trillanes at tinapakan pa ni Jinggoy. Nakalulungkot din ang nangyari kay Jejomar Binay. Ininsulto nang husto ni Trillanes at tinapakan pa ni Alan Cayetano.
Turuan naman si Manny Pacquiao. Ang mga tanong niya sa Senate investigations ay pang-entertainment. Walang diin. Heto ang mga walang kuwentang pasok: “Sana naman…,” “Kung ako sa iyo…” “Dapat hindi ganoon,” “May takot ka ba sa Diyos?” “Alam mo bang mali yun?” atbp. Parang kausap ni Lola Basyang si Efren (o, huwag nang malikot).
Mahiwaga ang text ni …4355, ng Santa Clara, Lamitan City, Basilan. Ayon sa kanya, talo si Digong at panalo ang ISIS sa Marawi. Iba na raw ang maraming pera, na kung gumasta ay pinakamaliit ang P50,000 bawat tao, at P500,000 ang pinakamalaki. Hindi mananalo si Digon kontra ISIS. Maaaring huminto muna para magbagong-anyo, saka muling lalabas. Naghihintay lang ang US at Australia.
Dahil may foreign ISIS na sa Mindanao, meron silang “pooled talents,” bukod sa pera. Ang NPA ay nalaos dahil walang “pooled talents.” Pera-pera ang utak, kaya unti-unti na silang nalalaos, maging sa Quezon. Ang mga sindikato ng droga ay may “pooled talents,” dahil nariyan ang Customs, mayors, governors, mga opisyal ng pulis at barangay. Pooled resources.
Hindi na magiging tahimik ang gabi sa North Caloocan. Nagbabagong-anyo na rin ang mga adik. Nagsisimula ito sa videokehan. Kapag malapit nang tumigil sa ingay dahil sa oras ni Digong, sisimulan na ang shabuhan. Uwian, at nakakarga na. Meron namang sisinghot muna saka tumoma para ayos ang tama. Konsintidor, o kasabwat, ang mga purok leader.
Isang di mayamang parokya sa teritoryo ng Diocese of Malolos ang tumanggap ng mga itiniwalag na miyembro ng isang sekta dahil naging adik ang mga ito. Una’y pumalag ang (Katolikong) lay ministers ng parokya. Pero, ipinakiusap ng pari na “wala nang tatanggap sa kanila at mapagbabago natin sila.” Ang “basura” ng sektang ito ay lilinisin natin (Rom 8:28).
Sa ilalim ng informational privacy ng Korte Suprema, na ginaya sa US Supreme Court, may karapatang di ipakita ang tato. Sa Mt. Province, kailangang ipakita ang tato para malaman kung kaninong tribu ang may tato. Sa sona ng pulis, kailangang maghubad ang kinalap na lalaki’t babae para malaman ang kanilang tato, na makapagbubunyag ng kanilang gang.
PANALANGIN: Sa ngalan Mo, Jesus, iginagapos ko ang lahat ng puwersa ng diyablo na kumikilos laban sa amin at sa aming pamilya. Fr. Mar Ladra, healing priest, Diocese of Malolos.
MULA sa bayan (0916-5401958): Sayop sa administrasyong Du30 nga mo dikit sa China ug Russia imbes nga sa US. Ang night vision goggles, long range na armas importante, spiritual guidance ug worshipful kinahanglan sa Marawi. …0821