Nadagdag sa listahan ng mga nasawi si Rossie Nasayao, na unang naiulat na nawawala matapos maanod ng baha habang nililigtas ang mga anak sa Brgy. Biluso, Silang, Cavite, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Kaugnay nito, natagpuan Miyerkules ng umaga ang mga labi ng 3-anyos na si Francine Jade Monge, isa sa anim na taong nawala noong Martes matapos maanod ng umapaw na ilog ang ilang bahay sa Brgy. Parian, Calamba, ayon sa ulat ng Laguna provincial police.
Natagpuan din Miyerkules ng umaga ang bangkay ng nalunod ring si Lawrence Murillo, 14, residente ng Brgy. Mapagong, Calamba, ayon sa pulisya.
Bukod dito’y naiulat ding namatay dahil sa bagyo ang isang Julio Cuatro, ng Rizal, Laguna, ayon sa Calabarzon regional police.
Sa Antipolo City, nakumpirmang nasawi sa landslide ang isang 1-anyos na sanggol, habang may isang Grade 7 student na nawawala at pinangangambahang nalunod, sabi ni Relly Bernardo, disaster risk reduction and management officer ng lungsod.
Mayroon ding 3-anyos na batang lalaking natagpuang patay at lumulutang sa ilog sa San Mateo, Miyerkules ng umaga, pero di pa matiyak kung ito’y biktima ng bagyo, ayon sa Rizal provincial police.
Pagkakuryente naman ang ikinasawi ng 12-anyos na si John Carlo Valle, nang magbisikleta Martes ng hapon sa binahang kalsada sa Tiaong, kung saan may bumagsak na live wire, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Mayroong naiulat na nalunod sa bayan ng Macelelon, bagamat di pa nakukuha ang mga detalye tungkol dito, dahil may ilang bahagi ng Quezon na nawalan ng kuryente at Internet, ayon sa Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction Managment Council.
Sa Metro Manila, nadagdagan ng isa pang nasawi nang malunod sa baha si William Inalisan, 16, sa St. Jude, Multinational Village, Brgy. San Isidro, Parañaque City, Martes ng hapon.
“Naniniwala ‘yung family na inanod siya (Inalisan) ng malakas na agos ng tubig ulan,” sabi ni Supt. Jenny Tecson, tagapagsalita ng PNP Southern Police District.
Sa tala ng Calabarzon regional police, nasa 19 na ang bilang ng nasugatan.
Nadagdag sa listahan ang isang biktima ng baha sa Laguna at 11 kataong nagtamo ng mga pinsala sa landslide na ikinasawi ng 3-buwang sanggol sa Lucena City, Quezon.
Nasugatan din ang si Luis Anthony Canales, 13, nang makuryente habang may hawak na emergency light na nakasaksak sa isang outlet na pinasok ng baha, sabi ng Quezon provincial police sa hiwalay na ulat.
Humupa na ang baha sa maraming bahagi ng Calabarzon, bagamat sa ilang parte ng Laguna at Quezon ay mabagal ang paghupa, lalo na yaong sa mga kalapit ng Laguna Lake at palalim na lugar, sabi ni Jen Rivera, hepe ng planning division ng RDRRMC-4A.
Bukod sa mga bahay at ari-ariang winasak ng baha at mga landslide, may naiulat ding pinsala sa mga pananim sa Quezon, aniya.
MOST READ
LATEST STORIES