Eagles, Falcons magsasalpukan sa UAAP Season 80 opener

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
12 n.n. Opening Ceremony
2 p.m. UE vs NU
4 p.m. Ateneo vs Adamson

TAMPOK sa unang araw ng ika-80 season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) basketball tournament ngayon sa SM Mall of Asia Arena ang sagupaan sa pagitan ng National University Bulldogs at University of the East Red Warriors at ang salpukan ng Ateneo de Manila University Blue Eagles at Adamson University Soaring Falcons.

Masusubok ang kakayahan ni Michael ‘Jamike’ Jarin sa kanyang “baptism of fire” sa unang pagsalang niya bilang head coach ng NU.

Si Jarin, na dating national juniors coach at nagbigay sa San Beda Red Lions ng back-to-back championships sa NCAA, ang pumalit sa puwesto ni Eric Altamirano.

Si Altamirano, na pinutol ang pagkauhaw ng NU sa korona noong 2015, ay nagdesisyon na iwanan ang Bulldogs matapos hawakan ito sa nakalipas na anim na taon.

Isasagawa ang tradisyonal na opening ceremony ganap na alas-12 ng tanghali upang papag-initin ang ika-80 taon ng liga na bitbit ang tema na “Go for Great” na kinonsepto ng season host Far Eastern University Tamaraws.

Agad itong susundan ng salpukan sa pagitan ng Bulldogs kontra Red Warriors sa alas-2 ng hapon bago ang paghaharap ng nakaraang taon na losing finalist Blue Eagles kontra sa Soaring Falcons alas-4 ng hapon.

Matatandaan na winalis ng Bulldogs ang Red Warriors sa kanilang paghaharap noong nakaraang taon na una ay ang 72-66 panalo sa first round at ang 64-52 pagwawagi sa second round.

Tinapos ng NU ang torneo na ikalima sa overall team standings sa kabuuang 5-9 panalo-talong kartada habang ang UE ay nakisalo bilang pinakakulelat noong isang taon kasama ang Season 79 host University of Santo Tomas Tigers sa 3-11 kartada.

Nagawa naman sorpresahin ng Adamson ang Ateneo sa first round, 62-61, subalit agad nakabawi ang Eagles sa Falcons sa ikalawang round, 73-67, nitong nakaraang season.

Tumapos ang Ateneo na ikalawa sa elimination round sa bitbit na 10-4 panalo-talong kartada habang tumuntong ang Adamson sa pinakauna nitong semifinals makalipas ang limang season sa pagtatapos na ikaapat na puwesto sa tinipon nitong kabuuang 8-6 rekord.

Pinatalsik naman ng Ateneo ang nakaharap na FEU sa semifinals ng Season 79 habang ang Adamson ay agad sinibak ng eventual champion De La Salle University Green Archers sa kanilang Final Four matchup.

Ang Red Warriors ay muling gigiyahan ni dating PBA head coach Derrick Pumaren habang ang Ateneo ay rerendahan ni dating Gilas Pilipinas national head coach Tab Baldwin.

Ang Adamson ay pamumunuan naman ng kasalukuyang consultant sa Globalport na si Franz Pumaren.

Read more...