ANO ba ang tunay na dahilan sa pagkakasibak kay Wendell McKines?
Na-shock talaga halos lahat nang biglang umuwi si McKines at hinalinhan ng hindi kilalang si Terik Bridgeman.
Si McKines ay tsinugi matapos na matalo ang San Miguel Beer sa NLEX, 103-100, noong August 27.
Iyon ang ikalawang kabiguan ng Beermen sa PBA Governors’ Cup dahil sa natalo rin sila sa Star, 104-98, noong August 4.
E ano naman kung natalo sila sa Star at NLEX. E, di bawi na lang.
Ang siste ay natalo sila sa mga koponang may bago at hindi talaga sikat na import.
Ang Star ay pinangungunahan ng 21-taong gulang na si Malcolm Hill. Fresh out of college si Hill at hindi tulad ni McKines na beterano na.
Ang NLEX ay pinamumunuan ni Aaron Fuller na hindi naman talaga beterano pero masipag. Aba’t kung si McKines ay talo ng mga batang imports, ano pa kaya kung mga beteranong tulad niya ang kanyang katapat?
Iyon ang worry ni San Miguel Beer coach Leovino Austria.
Baka nga naman mahirapan ang Beermen na umabot sa semifinals.
Pwede silang lumusot sa quarterfnals kung mahina ang kanilang makakatapat. Pero siguradong sa semis ay bigatin na ang makakaduwelo ni McKines.
E, ikatlong pagkakataon na ito sa PBA na naging import si McKines na dating naglaro sa Alaska Milk at Rain or Shine.
So dapat ay angat na angat na siya sa mga bata.
Pero bakit nahihirapan ang Beermen?
Kung titingnan, napakatagal na ni McKines dito e. Nandito siya noong Finals ng nakaraang Commissioner’s Cup at nakipag-ensayo na nga siya noon kina Charles Rhodes. Impressive naman siya. Pero may nagsasabi na hindi na nga dapat kinuha ng Beermen si McKines dahil sa hindi siya umubra sa Aces at Elasto Painters. Malamang na hindi rin siya umubra sa Beermen.
At nagkatotoo nga iyon.
Ngayon ay nagkumahog ang San Miguel Beer dahil palpak ang nakuha nilang kapalit. Dalawang puntos lang ang nagawa ni Bridgeman kontra sa Alaska Milk at natalo sila, 90-79, sa kanilang out-of-town game sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga noong Sabado.
Noong Miyerkules ay hindi pa rin nag-improve ang laro ni Bridgeman subalit dinaig ng Beermen ang Rain or Shine, 103-96, sa tulong ng mga locals.
Katunayan, puwede na sanang palitan ng San Miguel Beer si Bridgeman bago ang laro dahil naparating na nila si Terrence Watson. Pero hindi pa kumpleto ang papeles nito.
Well, sa Linggo ay lalaro na si Watson laban kay Justin Brownlee sa sagupaan ng San Miguel Beer at defending champion Barangay Ginebra sa Smart Araneta Coliseum.
Iyon ang tunay na sukatan kung magaling nga ang ikatlong import na kinuha ni Austria.
Kapag walang nangyari sa laban kontra sa Gin Kings, malamang na hindi na makumpleto ng Beermen ang minimithing Grand Slam!