DI tayo kakampi ng gabi at kadiliman. Huwag tayong matulog, manatiling gising at hulas. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 Tes 5:1-6, 9-11; Slm 27:1, 4, 13-14; Lc 4:31-37) sa paggunita kay Santa Madre Teresa ng Kolkata.
Nagising ang taumbayan sa pagkakatulog sa alingawngaw ng mga putok ng baril sa pagpatay kay De los Santos. Agad na nasundan ito ng pagpatay kay Arnaiz, na una’y ipinagtanggol pa Digong. Tipping point ang kay De los Santos at ayaw na ni Digong na masundan pa ng isa pang tipping point sa pamamaslang kay Arnaiz.
Pero, ang higit na nakagigising sa mga taga-Calocohan City ay ang pahayag ng alkalde na huwag husgahan ang pagpatay kay Arnaiz. Bilang cerrado Catolico, bawal maghusga sa kapwa. Ito’y kasalanan na dapat ikumpisal at pagsisihan. Hindi hinuhusgahan ang mga pulis na pumatay kay Arnaiz kaya husgadong malinis ang maghuhusga sa kanila.
Ang dating hepe ng Calocohan police ay presidential appointee. Manhid si yorme kung di niya nabasa ang tunay na pakay. Ang kanyang lungsod ay nasa masid-droga dahil walang barangay ang drug-free. Masisilo na sana ang mga opisyal ng lungsod kung di napatay si De los Santos at ipinamukhang mamamatay-tao ang mga pulis.
Sa mga pulis, walang kalinga si yorme. Ang mga sasakyan ng pulis, lalo na sa North Calocohan, ay mga bulok at yupi-yupi sa bangga at sagi, basag ang mga ilaw sa likuran, amoy bayag ng hayop sa loob at walang aircon. Sa pintang mga slogan, Oca cares daw. Hindi ito totoo.
Tahimik ang taga-Calocohan at tanging mata lang ang gumagalaw kapag may humihintong mobil ng pulis. Sinusundan ng tingin kung saan sila patungo. Handa na sa maririnig na sunud-sunod na putok. Kung may bubulagta ay bigyan na lang ng maayos na libing sa mataas at patung-patong na nitso. Walang mayor na aasahan dahil hindi naman nami-media ang pagpatay.
Sa mga namatayan, malayo na ang kanilang damdamin kay mayor. Ito ang kalakaran, kontra sa Misericordia et misera ni Pope Francis. Ang akala ng mahihirap ay makadudulog sila kay mayor. Ang kanyang mga monoblock na ibinigay sa maraming parokya sa North Calocohan ay hindi pala patunay na siya’y maka-Diyos.
Lumuha kasama ng mga lumuluha, ani St. Thomas Aquinas, na siya pa ring ipinaaalala ni Pope Francis. Ang makidalamhati sa pagdurusa ng aba ay madaling sabihin. Madaling ipakita sa tao, sa saliw ng coverage ng media. Pero, hindi ito ang habag at awa na mula sa puso.
Simula nang manungkulan si Digong, marami na ang naulila sa North Calocohan. Naiwan ang mga bata sa kanilang lolo’t lola; o kundi’y lolo lang, lola lang. Paano ipagtatanggol ng matatanda ang kanilang mga apo sa mamamatay na mga pulis ng masatsat na pangulo? Paano lalaban ang matatanda sa mga adik na kumukuha ng shabu na patinda ng pulis?
Anong batas ang nais balangkasin ng Kongreso kontra EJK, gayung matibay na ang nakapaloob sa murder at homicide? Walang makapipigil sa demonyong pulis na pumatay ng mga walang laban. Ang demonyo, tulad ng pulis, ang pinakamagaling magsinungaling at noong ’90s ay pinaniwalaan pa ng terror judge ng Caloocan RTC ang bintang ng mga pulis sa mahihirap.
Si Ramon Magsaysay ay bigo sa paghinto ng smuggling sa Customs nang italaga niya ang 400 kadete ng PMA. Lansagin na lang ang Customs. Ilatag ang mataas na antas ng computerization at ibigay ang operasyon sa mga robot, di na tao. Ang main robot ang may hawak ng programa at ang secret server ay hawak ng pangulo. Di natutulog at napapagod ang robot. Kung kaya ng robot ang efficient car plant, sisiw lang ang operasyon sa Customs.
PANALANGIN: Diyos Ama, malalim na ang sugat sa aming lungsod. Di tumitigil ang pamamaslang sa inakusahang mga lumaban. Itinataas namin sa Birhen Maria ang aming kahilingang matigil na ito. Halaw sa unang panalangin sa bansa ni Fernando Capalla, doctor of divinity, lubhang kabunyian.
MULA sa bayan (0916-5401958): Ayaw namin sa shabu at ayaw din ni chairman. Kaya walang kita ang tulak. Ganer lang yun. …8433 Mimbuntong, Gingoog City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.