Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Letran vs Perpetual Help
4 p.m. Arellano vs Jose Rizal University
Team Standings: Lyceum (10-0); San Beda (9-1); JRU (6-3); Letran (5-4); San Sebastian (4-5); EAC (4-5); Perpetual Help (3-6); Arellano (3-6); St. Benilde (2-8); Mapua (1-9)
NAPASAMA sa suspensyon ng NCAA Management Committee ang head coach ng defending champion San Beda College na si Boyet Fernandez gayundin ang tatlong manlalaro na sina Robert Bolick at Clint Doliguez ng Red Lions at Carlo Young ng College of St. Benilde Blazers base sa naganap na kaguluhan sa torneo noong Martes.
Pinatawan ng agad na tig-iisang laro na suspensyon sina Fernandez, Bolick, Doliquez at Young dahil sa iba’t-iba nitong naging parte sa muntik na maganap na bench-clearing incident sa laro sa pagitan ng Red Lions at ang naghahangad sa importanteng panalo na Blazers.
Nasama sa suspensyon si Fernandez dahil sa ikalawa nitong paglabag sa kautusan hinggil sa dapat na pagrerespeto sa mga namamahalang referee at opisyales kung saan una na itong napagbawalan sa laban nito kontra University of Perpetual Help.
Awtomatiko na binigyan ng suspensiyon si Doliguez matapos itong sumugod mula sa bench at sina Bolick at Young na napatawan ng “disqualifying foul” matapos na magkainitan sa laro.
Nagwagi ang San Beda sa laban, 72-58, para sa ikasiyam nitong panalo sa loob ng 10 laro subalit hindi naman nito maibabalik ang tsansa para sa season MVP candidate na si Bolick na masungkit ang pinakaaasam ng lahat ng manlalaro na pinakaprestihiyosong karangalan sa liga.
Bitbit ng Red Lions ang malaking kalamangan ng itawag kay Young ang ‘disqualifying foul’ sa paatake na si Bolick para agad itong mapatalsik sa laro. Gayunman, hindi nakaligtas si Bolick base sa agad isinagawa na pagrereview ng NCAA management committee kung saan nakita itong nagbitaw ng suntok sa kapwa manlalaro.
Itinanggi Bolick ang ginawi subalit hindi na nito naipela ang desisyon.
Dahil sa kaparusahan na diskuwalipikasyon ay agad na mapapatalsik ang tatlo sa lahat ng individual awards na iginagawad tuwing magtatapos ang torneo.
Isa dito si Bolick na may tsansang masungkit ang MVP award sa season na ito.
“I don’t really care if they hate me, it’s okay for me. I told my team I’m not playing to win the MVP, I could really care less, I’m just playing to win,” sabi lamang ni Bolick na naglista ng 14 puntos, pitong rebounds at 11 assists sa ikawalong sundo na panalo ng Red Lions.
“One thing is, you’ll never take the will, the love of the game that I will give for San Beda to win another championship. I’ll accept whatever they will say,” sabi pa nito.
Ikalawang disqualifying foul naman ang nakuha ni Young habang maliban sa suspensyon ay nabigyan din ng warning si Bolick ‘for disrespecting officials’ kaya posible ulit itong masuspindi kung muli nitong magagawi ang pag-uugali.
Samantala, magsasagupa naman ngayong alas-2 ng hapon ang nanganganib maagawan ng puwesto sa ikaapat na silya na Letran Knights na makakatapat ang University of Perpetual Help Altas sa pagpapatuloy ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament The Arena sa San Juan City.
Magtatapat naman sa ikalawang laro ang Jose Rizal University Heavy Bombers kontra Arellano University Chiefs sa ganap na alas-4 ng hapon.