Supladong male celebrity nagbabagong-anyo kapag napapalibutan ng mga gwapong bagets

MARAMING taon na ang nakararaan ay nag-shooting sa isang malayong bansa ang isang guwapong aktor. Kilalang-kilala siya ng mga OFW dahil sikat na sikat din siya dito sa atin.

Natural, basta kapwa Pilipino na ang nakikita ng mga manggagawang Pilipino ay kakaiba ang kanilang saya, nabubuhayan sila ng dugo na pansamantalang nakapagpapalimot ng kanilang lungkot sa pagiging malayo sa kanilang mga pamilya.

Sa isang mataong lugar sa naturang bansa ang location, walang pumapansin sa guwapo at sikat na aktor, dahil hindi naman siya kilala ng mga banyaga.

Kuwento ng aming source, “Siyempre, kapwa Pinoy, ang akala ng mga kababayan natin, e, ikasasaya ni ____ (pangalan ng guwapo at sikat na male personality) ang paglapit nila. Pero nagulantang ang mga kababayan natin dahil parang wala siyang nakita nu’ng lapitan na siya ng mga kababaihang nagtatrabaho du’n bilang chambermaid.

“As in wala siyang emotion, parang wala nga siyang nakita, hindi man lang niya pinansin ang mga babaeng tuwang-tuwa nu’ng makita siya.

“Ang impression tuloy na iniwan niya sa mga kababayan natin, e, napakasuplado niya, mayabang, isnabero,” simulang kuwento ng aming impormante.

Hindi pa rin umalis ang grupo ng mga kababayan natin, hinintay pa rin nilang pansinin sila ng isnaberong aktor, pero nainip na sila.

“Pero one day, e, nakita nila uli si guwapo pero supladong guy, masayang-masaya siya, dahil ang mga kahalubilo niya, e, puro mga guwapong bagets na foreigner. Ang saya-saya talaga niya!

“Sinamantala ng tropa ang pagiging masaya ng male personality, lumapit sila para makapagpa-picture, nagulantang ang mga kababayan natin dahil ang sweet-sweet na niya, paakbay-akbay pa siya sa mga girls.

“Nalokah ang magkakaibigan, bakit biglang iba na ang mood ng male personality na napakasuplado nu’ng una nilang makita? Ganu’n pala siya? Kapag may mga kasama siyang guwapo, e, biglang gumaganda ang kanyang timplada?

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, ewan na lang kundi n’yo pa matutumbok kung sino ang guwapo at supladong aktor na ito na biglang nagbabago ang mood kapag napapalibutan na siya ng mga nagguguwapuhang bagets!” pagtatapos ng aming source.

Read more...