Mga Laro Ngayon
(Ynares Center, Antipolo City)
4:15 p.m. Kia Picanto vs Blackwater
7 p.m. TNT KaTropa vs Globalport
Team Standings:Meralco (5-1); Barangay Ginebra (5-1); Star (4-1); NLEX (6-2); Rain or Shine (4-2); TNT KaTropa (4-2); San Miguel Beer (3-2); Blackwater (3-4); Globalport (2-3); Phoenix (2-7); Alaska (0-6); Kia Picanto (0-7)
MAKUBRA ang ikalimang panalo ang hangad ng TNT KaTropa Texters sa salpukan nila ng Globalport Batang Pier ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2017 PBA Governors’ Cup elimination round sa Ynares Center, Antipolo City.
Bago ang bakbakan ng TNT at Globalport sa alas-7 ng gabi na main game ay magsasalpukan muna ang Kia Picanto at Blackwater Elite sa alas-4:15 ng hapon na opening game.
Galing ang Tropang Texters sa 117-96 panalo kontra Elite noong Miyerkules kung saan bumida ang import nitong si Glen Rice Jr. para ihatid ang koponan sa ikalawang sunod na panalo at ikaapat sa kabuuan.
Magmumula naman ang Globalport mula sa 115-112 pagkatalo sa kamay ng San Miguel Beermen.
Ipaparada naman ngayon ng Kia ang bagong import nitong si Geron Marquis Johnson sa hangaring maputol ang 7-game losing streak sa pagsagupa sa Elite.
Samantala, nakuha ng Barangay Ginebra Gin Kings si Art dela Cruz mula sa Blackwater.
Ang kasunduan, na nakatakdang aprubahan kahapon, ay naghatid kina Dela Cruz at Raymond Aguilar mula Elite patungo sa Gin Kings kapalit nina Chris Ellis at Dave Marcelo.
Kinumpirma naman nina Barangay Ginebra team manager Reyboy Rodriguez at Blackwater team manager Johnson Martines ang nasabing trade.