MUKHANG nagkatotoo ang pahayag ni Pangulong Duterte, bago siya manalo, na kikita ang mga punerarya kapag siya ang naluklok sa Malacanang.
Sa dami ng mga napapatay, talaga namang maraming bangkay na kinukuha ng mga punerarya sa lansangan at mga bahay na pinapasok bukod pa sa mga nasasawi sa operasyon ng mga pulis.
Kaya lang, marami sa pamilya ng mga napapatay ay wala namang kakayanang magbayad. Kaya naman talagang masakit sa ulo.
At dagdag pa dito, mayroong mga punerarya ang tumataas ang singil.
May mga naniniwala tuloy sa sabi-sabi na mayroong komisyon ang mga pulis kung sa kanila itinatawag ang kukuning bangkay kaya lumulobo ang presyo.
Kaya bukod sa paghihinagpis sa pagpanaw ng kaanak ay dumadagdag sa bigat ng dibdib nila ang paghahanap ng perang pampalibing.
Wala bang tulong na maibibigay sa kanilang pamilya ang gobyerno, kahit pa sabihin na sila ay naging “salot” ng lipunan na hindi napatunayan sa korte?
O baka naman pwede na lagyan ng limitasyon ang maaaring singilin ng mga purenarya para hindi sila magtubong lugaw sa pag-asikaso sa patay?
***
Mukhang magiging abala ang Kamara de Representantes sa nalalabing bahagi ng taon.
Bukod kasi sa kasado na ang impeachment complaint laban kay Commission on Elections chairman Andres Bautista ay nariyan din ang reklamo laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang reklamo kay Bautista ay gumalaw na dahil mayroon itong endorser ng ihain ni ex-Negros Oriental Rep. Jacinto Paras at Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Ngayon pa lamang ay nasa utak na ng mga kongresista ang paghimay sa buhay ni Bautista. Hindi naman siguro ito maiiwasan lalo pa at ang kanyang misis na si Patricia ang gumawa ng apoy na ginamit sa reklamo.
Sabi ni Patricia mayroong tagong yaman si Bautista at umaabot ito sa bilyon. At siyempre may mga marurumi ang isip na ang agad na pumasok sa kokote ay galing ito sa kalokohan sa Comelec.
Pero ang kawawa rito ay ang kanilang mga anak na siyang sasalo sa mga ipupukol ng magkabilang panig.
Kung mamalasin ay mukhang matitikman ni Sereno ang naramdaman ng kanyang pinalitan na si ex-SC Chief Justice Renato Corona.
Si Corona ay na-impeach sa Kamara de Representantes kaugnay ng yaman na hindi umano idineklara sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth. Napatunayan siyang guilty ng Senado kaya siya ay napatalsik sa puwesto.
Ito naman ang nagbigay-daan para maging chief justice si Sereno na itinalaga noong nakaraang administrasyon.
Ngayon si Sereno naman ang inaakusahan na hindi nagdeklara ng totoo sa kanyang SALN.
Si Atty. Larry Gadon, dati ring abogado ni Arroyo, ang isa sa maghahain ng reklamo.
Mukhang mga bata ni GMA ang nagtatanggal sa mga tao ng nakaraang administrasyon.