Alvarez, Fariñas parehong “persona non grata”

MATAPOS ideklara na “persona non grata” si Ilocos Norte Representative at House Majority Floor Leader Rodolfo “Rudy” Fariñas, si Speaker Pantaleon Alvarez naman ang idineklarang “persona non grata” ng kanyang mga kapartido sa PDP-Laban dahil sa kabiguan ng kanyang liderato na matiyak na maipasa sa Kamara ang mga priority measures ng administrasyon ni Pangulong Duterte dahil sa mga kontrobersiyang kanyang kinasangkutan.

Hindi ito kataka-taka dahil palpak ang liderato ng Kamara dahil sa pamumuno ng dalawang lider.

Matatandaang idineklara si Fariñas na “persona non grata” sa sariling probinsiyang kanyang kinakatawan matapos namang ipasa ng Ilocos Norte Provincial Board ang resolusyon laban sa kanya noong Hunyo 27.

Ito’y matapos namang ihain ni Fariñas ang isang resolusyon para imbestigahan ang umano’y maling paggamit ng tobacco funds ng Ilocos Norte.

Nagresulta pa ito sa pagkakadetine ng anim na empleyado Ilocos Norte provincial capitol na sina Genedine D. Jambaro, Encarnacion A. Gaor, Josephine P. Calajate, Eden C. Battulayan, Evangeline C. Tabulog, at Pedro S. Agcaoili Jr dahil sa hindi pagsagot sa mga tanong ni Fariñas.

Samantala, kamakailan ay nagpasa ng resolusyon ang mahigit 200 political leaders ng Mindanao na pawang lider ng PDP-Laban kung saan idineklara rin si Alvarez ng “persona non grata” dahil umano sa mga aksyon na paglabag sa mga alintuntunin ng partido.

Pinangunahan ni dating labor undersecretary Rogelio “Bicbic” Garcia, PDP-Laban Region 12 party chairman at Cesar Cuntapay, interim president ng Southern Mindanao regional council, ang pagsusulong ng resolusyon para sa pagdedeklara ng “persona non grata” kay Alvarez kung saan inilarawan pa siya bilang “a guy with no moral ascendancy.”

Nanawagan pa ang mga lider ng PDP-Laban sa Mindanao kay Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, PDP Laban president, na i-convene Mindanao Summit ng partido sa Nobyembre 30.

Nirerepresenta ni Alvarez ang first congressional district ng Davao del Norte kung saan isinagawa ang pagpupulong at isinulong ang pagdedeklara sa kanya bilang “persona non grata.”

Nagpapalakas ang PDP-Laban ng puwersa nito at kung ganitong maging ang kanyang mga kapwa kapartido ay ayaw kay Alvarez, tiyak na maaapektuhan ang target na maparami ang mga kasapi ng partido.

Matatandaang naging kontrobersiyal din si Alvarez matapos namang siyang ireklamo ng kanyang misis.

Nabatikos din ang Kamara dahil sa kokonti lamang ang naipasang batas sa kabila naman ng mga hinihintay na mga priority measures ng Malacanang.

Ano kaya ang meron sa dalawang lider at parehong inaayawan ng kanilang kapwa opisyal at kapartido at pareho pang idineklarang “persona non grata?

Read more...