BAKIT nangyayari ang lahat ng ito sa amin? Nasaan ang kababalaghang isinasalaysay sa amin? Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Hkm 6:11-24a; Slm 85:9, 11-12, 13-14; Mt 19:23-30) sa pagkareyna ng Mahal na Birhen Maria.
May pakay sa pagpatay sa binatilyo, pero, kailanman, di ito nais ng Diyos. Maaaring binawi ang kanyang hiram na buhay para gisingin ang lahat at tumawag sa Kanya (Jesus), tulad ng pakay sa pagbawi sa mga buhay sa maraming bayan sa panahon ni Noe, sa Sodom at Gomorrah, atbp. Kapwa gisingin ang tama’t mali. O gisingin ang tahimik, na may karapatan din namang ipagtanggol ang sarili (2265, Cathechism of the Catholic Church).
Nang paslangin ni Cain ang kapatid na si Abel, dumagundong ang tinig ng Diyos Ama: humihiyaw ang dugo ng iyong kapatid mula sa lupa. Humihiyaw (public outrage) ang taumbayan sa utos ni Digong na kung walang baril ay lagyan, di lamang kay Kian, habang humahalakhak ang demonyo.
Ginising na ang Malacanang at nangamba na ito sa pagtindig ng bayan. Pero, nanatili pa rin ang kayabangan ni Digong at naghamon pa na pabagsakin siya. Ang kayabangan, tulad ng isinasaad sa maraming Ebanghelyo, ay katangian ng demonyo, na ang kanyang nasa isip ay parating mas mataas siya sa Diyos. Itataboy siya ng kabutihan ni Jesus, pero dudurugin siya ng paa ni Maria.
Hindi agad na mapababagsak ng taumbayan si Digong. Ganyan ang nangyari kay Marcos kahit sabay na kinain ng mikrobyo ng kanyang atay ang kanyang kayabangan. Kasabay ng panghihina ng kanyang katawang lupa ay ang pagkamuhi ng taumbayan, na nagresulta sa kanyang pag-iisa. Isolation ang tawag nila, pero matagal na siyang isolated sa Malacanang.
Alam ito ng senior editors sa aking pinanggalingang Evening Post. Nagsimula ito noong 1983. Napakahirap “pagandahin” ang istoryang nais ng Malacanang. Napakahirap suyuin ang taumbayan na nanawa na kay Marcos. Hindi bumagsak si Marcos. Lumagapak siya nang “talikuran” siya nina JPE, FVR at AFP pagkatapos mabuking ang kudeta. Hindi si Cory ang nagpabagsak kay Marcos.
Ang kasaysayan ay nauulit palagi kapag hindi natututo ang lider sa ginintuang aral ng kahapon. Ngayon, di pa kaya ng taumbayan na pabagsakin si Digong. Di rin napabagsak ng taumbayan si Marcos. Ang People Power ay sa EDSA lamang at sa radyo. Hayan ang aral ng kasaysayan. Hayan din ang aral ni Erap. Hindi magtatagumpay ang magpapatalsik kay Digong kung wala itong tulong ng langit. Napabagsak ang Russia sa nais ng Birhen Maria ng Fatima.
Noong 1976, nang mawalan ng control ang mga Asistio sa pulisya sa kabila ng kanilang malapit kay Marcos, ay tapunan na ng mga bugok na pulis ang Caloocan. Ngayon, hindi lamang bugok na pulis ang itinatapon sa Caloocan. Maging bugok na hepe ay… Nitong huling dalawang taon, parang panty kung magpalit ng mga opisyal ng pulis sa North at South Caloocan.
Nang dahil sa pagkamatay ni Kian, nabigo ang nakalatag na one time big time sa Caloocan. May kantiyawan. Isinagawa ang OTBT sa Bulacan at Maynila. Wala pa ang Caloocan? Nakialam ang langit kung bakit nagsimula ang paggising sa pamamaslang kay Kian. May dalawang pinatay sa Bagong Silang noon. Pinasok sa bahay at nang makita na may mga bata, inihiwalay ang mga ito saka dinala sa silid ang dalawa at binaril. Di nakita ng mga bata ang pamamaril.
PANALANGIN: Mahal na Birhen Maria, pumasok ka sa bahay namin at basbasan kami. Ilayo mo kami sa demonyo. Fr. Jocis Syquia, chief exorcist, Archdiocese of Manila (Dasal sa Mahal na Birhen Maria [1], Exorcist vol. 2).
MULA sa bayan (0916-5401958): May smuggling din sa pantalan sa Davao City noon, kahit mayor pa si Digong. Hindi talaga mahinto ang smuggling. …7865, Ma-a, Davao City
Ipaaayos ba ng goberno ang nadurog kong bahay? …9917, Barangay Sangcay Dansalan, Marawi City
Pls stop false accusation that we are supporters of Mayor Parojinog. Natatakot na ang pamilya ko. …8702, Barangay Dimaluna, Ozamiz City