TAON-taon ay bilyon-bilyon piso ang pondo na ginugugol ng gobyerno sa paggawa ng kalsada— pagkumpuni sa sira at hindi pa sira, at sa mga bagong daan.
Kailangang gumawa ng mga bagong kalsada kasi naman patuloy din ang pagdami ng mga sasakyan.
Kailangan ng mga bagong daan para mabawasan ang siksikan sa mga kasalukuyang kalsada. Taon-taon, bilyon-bilyon piso rin ang ginagastos dito ng gobyerno at hindi natatapos ang problemang ito.
Tama ba ito, o baka mali ang approach sa problemang ito? Baka ang dapat gawin ay tingnan kung bakit kailangan magsasakyan ng mga pumapasok sa trabaho at eskuwelahan. Bakit nga ba?
Maraming gumagamit ng sasakyan kasi malayo ang kanilang trabaho sa kanilang bahay. Yung mga wala namang sariling sasakyan dumadagdag sa bilang ng mga pasahero na dahilan kung bakit kailangang dagdagan ang bilang ng public transport.
Sabi nga ni House committee on housing and urban development chairman at Negros Occidental Rep. Albee Benitez kung maaari na maglakad na lang papasok sa trabaho ang mga empleyado ay mas gugustuhin nila ito kaysa mamasahe pa. Mas tipid kasi, di ba?
At kung may sasakyan kang sarili, bukod sa gastos sa gasolina at diesel ay dapat may ilaan ka ring pera para sa pagpapagawa ng sasakyan.
Kung pwedeng lakarin ay hindi ka na rin mapipilitang gumising ng masyadong maaga para makapaghanda sa pagpasok at para hindi pa masyadong trapik.
Yung iba ang ginagawa, umuupa ng bahay malapit sa kanilang trabaho. Ang ibinabayad sa upa ‘yung gagastusin sa pamasahe. Nakatipid ka ng oras sa biyahe kaya lang malalayo ka sa pamilya mo.
Bakit ba kasi hindi na lang patayuan ng gobyerno ng murang pabahay ang mga lupa ng gobyerno sa Metro Manila? Baka pwede na ang kapakanan muna nung mga walang sariling bahay ang isipin at hindi umano malaking kikitain sa pagpapaupa ng lupa o kaya ay pagbebenta nito sa pribadong sektor.
Sa kuwenta ng komite ni Benitez ay sobra pa ang lupa ng gobyerno para mabigyan ng bahay ang mga walang sariling bahay sa Metro Manila kung ang itatayo ay mga medium rise building. Hindi naman pwede na mansyon ang ibigay sa kanila.
At siyempre walang sobrang pera ang gobyerno para maipagawa ito. Pero pwede naman na private companies ang magtayo, di ba? Kagaya nung ibang mga project. Sabi ni Benitez willing ‘yung mga negosyante na magtayo ng walang gastos ang gobyerno kung ‘yung bahagi ng lupa ay mapagtatayuan nila ng mall at iba pang establisimento.
Kung magtatayo ng mall, mangangailangan ng mga empleyado kaya pwede na mayroong mapasukan ‘yung mga nakatira sa itatayong medium rise pabahay. At hindi nila kailangang bumiyahe ng malayo.
Yung gagastusin nila sa pamasahe, ‘yun ang pwede nilang ipambayad sa upa sa medium rise na kukunin nila.
Kaya lang mukhang hindi priority ng gobyerno ang pabahay sa susunod na taon. Sa halip kasi na dagdagan ay binawasan pa ng 68.87 porsyento ang budget para sa housing sector ng gobyerno. Ang budget ng housing sector next year ay P4.7 bilyon.
Ang bulto ng pondo para sa housing sector ay mapupunta sa National Housing Authority (P2.2 bilyon) na gagastusin naman nito para sa paglilipat sa mga informal settler at pabahay para sa mga pulis at sundalo.
Walang pondo para sa permanenteng pabahay sa mga biktima ng kalamidad.
Kung magtutuloy-tuloy ito ay mukhang magkakatotoo na sa pagbaba ni Pangulong Duterte sa 2022 aabot na sa 6.8 milyon ang housing backlog ng bansa. Hay, buhay.