Amnesty at care program, magandang combination

SA pasimula pa lamang ng pag-aanunsiyo ng Saudi government hinggil sa kanilang 90-day amnesty program para sa mga overstaying na mga dayuhan doon, kaagad sinabayan ito ng ayuda ng pamahalaan.

Sinagot nila ang plane ticket pauwi ng Pinoy. Dati-rati kaya hindi pinapatulan ang mga amnesty program sa ibang bansa dahil walang maipamasahe pabalik ng Pilipinas ang mga kababayan natin.

Ngayon naging mas madali para sa kanila ang magdesisyong magpalista kaagad para makauwi na ng bansa.

Umabot sa 6,748 ang naiulat na nakauwi mula sa Saudi Arabia. Malaki ang bilang na ito kung ikukumpara sa mga nakaraang programa na gaya nito.

Obserbasyon nga ng Bantay OCW, dati-rati, ayaw patulan ng Pinoy ang mga amnesty program.

Sa halip na umuwi, mas gugustuhin pa nila ang patuloy na magtrabaho nang magtrabaho hanggang sa mahuli na lamang sila ng otoridad doon at puwersahang pauuwiin ng Pilipinas sa pamamagitan ng deportation proceeding.

Sa mga bansang nasa gera kahit pa itinaas na ng pamahalaan ang alert level status nito, kahit pa nasa Alert Level 4 na o Mandatory repatriation na ang kanilang ipinatutupad, hindi pa rin mapilit umuwi ang mga Pinoy.

Hindi talaga sila uuwi at manga-ngatuwiran pang payapa naman sa kanilang mga kinaroroonan, walang gulo at naniniwalang hindi naman aabot iyon sa kanilang lugar.

Pero matindi rin naman ang pag-alalay na ginagawa ng Duterte administration sa ating mga OFW ngayon.

Bukod pa sa libre na ang plane ticket pauwi, ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, may cash assistance pa na ipinamamahagi na tig-P5,000 sa ilalim ng CARE Program ng OWWA.

Napakalaking bagay ito sa umuuwing OFW. May cash pa sila, at kahit paano, maaaring pang-simula na ng maliit na kabuhayan.

Marami rin naman ang nakauwi na napakatagal nang nanatili sa abroad.

Palibhasa overstaying na, kung kaya’t hindi sila makabalik ng Pilipinas kahit gustuhin man nila. Malaki rin kasi ang multa bukod pa sa maaaring kaharaping sentensiya ng pagkakulong.

Kaya ito ang pinakahihintay-hintay ng ating mga kababayan. Ang makauwi nang wala nang inaalala pa tulad ng multa at kulong. Ang pinakamagandang balita, sinagot ng Duterte administration ang kanilang pamasahe pauwi at may 5,000 cash pa!

Magandang kombinasyon nga ang amnesty kasabay ng care program ng pamahalaan!

Reaksyon ng mga OFW, ramdam daw nila ang tunay na pagmamalasakit sa kanila ng pangulo.

Kahit pa kasi gustuhin man nilang umuwi sa pamamagitan ng amnesty, wala naman silang naitatabing pamasahe pauwi. Wala rin namang perang ipadadala sa kanila ang mga kamag-anak dahil ang totoo, sa kanila pa nga umaasa ang mga ito kahit overstaying na sila at patago-tago na lamang.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...