KUALA LUMPUR, Malaysia — Hindi nawalan ng pag-asa si Reyland Capellan sa pagkakamali sa unang routine para makabawi at mapanatili ang kanyang titulo sa paborito nitong event na men’s floor exercise sa gymnastics competition ng 29th Southeast Asian Games dito sa Malaysia International Trade and Exhibit Center.
Nawala sa balanse ang 23-anyos na si Capellan sa kanyang landing sa unang tumbling pero bumawi siya sa sumunod na routine tungo sa pagpapatala ng 5.900 puntos sa difficulty at 8.050 sa execution para sa pinagsamang iskor na 13.950 puntos na sapat lamang para maaangkin niya ang kanyang ikalawang sunod nag gintong medalya sa SEA Games.
“Masayang-masaya po kasi nakatulong sa pagbibigay ng ginto sa Pilipinas. Dalawang taon ko po ito pinagsanayan kaya po umaasa ako na mananalo ulit. Medyo ninenerbiyos ako noong umpisa kaya medyo nawala balance ko doon sa una kong power tumbling pero nakabawi ako sa sumunod,” sabi ng laking Cataingan, Masbate na si Capellan.
Isa pang bad landing ang nagawa ni Capellan bago ang kanyang final routine subalit ang kanyang mataas na level of difficulty at high tumbling ability kumpara sa pitong iba pang kasali ang nagtulak dito sa ibigay sa Pilipinas ang ikaaapat nitong gintong medalya sa Palaro.
“Nagpapasalamat po ako sa lahat sa kanilang mga panalangin pati na rin po sa Philippine Sports Commission at sa Philippine Olympic Committee sa pagbibigay sa amin ng mas mataas na level ng training,” sabi ng 5-foot-2 na si Capellan na dating Central Escolar University cheerleader at beterano sa World Championships at 2015 World Artistic Gymnastics Championships sa Glasgow.
Tinalo ni Capellan sina Zul Bahrin Bin Mat Asri ng Malaysia na umiskor ng 13.750 at Tikumporn Surintornta ng Thailand na umiskor ng 13.600.
Ang isa pang kalahok ng Pilipinas na si John Matthew Vergara, na nasa una pa lamang na paglahok sa SEA Games ay tumapos na ikawalo at huling puwesto sa iskor na 11.200 puntos.
Matatandaan na pinutol ni Capellan ang pagkauhaw ng bansa sa men’s gymnastics sa pagbibigay ng una nitong medalya dalawang taon na ang nakalipas sapul na magwagi si Roel Ramirez ng dalawa noong 2005 Philippine SEA Games.
Tatangkain ni Capellan na mapatayan ang nagawa Ramirez na magwagi ng dalawang ginto sa pagsabak nito sa men’s pole vault ngayon.
Ibinigay naman ng second generation national athlete na si Kaitlin Dera Lianne De La Cruz De Guzman ang ikalawang ginto mula gymnastics matapos magwagi sa women’s uneven bars.
Si Kaitliin ay umiskor ng 4.300 puntos sa difficulty at 8.575 sa execution para sa pinagsamang iskor na 12.875 puntos para manalo ng ginto sa una nitong pagsabak sa SEA Games.
“I am so very happy with my very first gold medal representing Philippines,” sabi ni Kaitlin, na unang sumasali sa mga club leagues sa United States bago nagdesisyon na irepresenta ang bansa sa SEA Games.
Ang anak ng dating SEA Games gold medalist na si Cintamoni de la Cruz-De Guzman ay nakatuon sa pagsungkit sa dalawa pang gintong medalya sa pagsabak nito sa floor exercise, balance beam at team event.
Nanalo rin ng ginto kahapon ang wushu artist na si Agatha Won at ang fencer na si Brennan Wayne Louie.
Si Wong ay umiskor ng 9.66 puntos sa women’s taijiquan event habang ang Filipino-American na si Louie ay nagwagi laban sa kababayang si Nathaniel Perez sa gold-medal match ng men’s foil event sa fencing competition para sa 1-2 finish. —Angelito Oredo