Ayuda, di intriga

EWAN ko lang kung meron pang masasabi ang mga epal na taga-Kamara tungkol sa tipo ng pamamahala sa mga lalawigan sa Norte.

Pero dahil sa grandstanding lang naman eksperto ang karamihan ng mga nariyan, sigurado kami na magtataas pa rin ng kilay ang mga iyan at malamang mag-ingay pa rin gaya ng mga trolls na naghahasik ng kaletsehan online.

Kamakailan kasi ay halos 200 mga kabsat nating magsasaka ng tabako mula sa Ilocos Norte ang nakatanggap ng financial assistance mula National Tobacco Administration (NTA) upang muling maitayo ang kanilang mga curing barns na nawasak ng supertyphoon Lawin noong 2016.

Kasama ng mga opisyal ng NTA na sina Dr. Robert Seares, Nestor Casela, at Mario Corpuz si Ilocos Norte Governor Imee Marcos na namigay ng P3.7 milyon halaga ng tseke sa 187 magsasaka, ang unang batch ng mga benipisyaryo.

Nakatanggap ang bawat isa ng mula P20,000 hanggang P50,000, kung saan P10,000 ay subsidiya at ang iba ay loan payable hanggang limang taon na may maliit na interes.

“Pagkatapos kasi ng typhoon ‘Lawin’ nagkaroon ng assessment ang NTA sa tulong ng mga extension workers namin na strategically-located sa mga munisipyo na nagtatanim ng tobacco. In-assess nila kung ano ang extent ng damage, partirularly sa curing barn, kasi ‘yun yung structure na madaling masira ‘pag may bagyo,” paliwanag ni Corpus.

Bago matapos ang taon ay hanggang 500 magsasaka pa ang mabibigyan ng ayuda.
Ito ang tulong na kailangan ng mga magsasaka ng tabako mula sa Norte at hindi ang mga imbestigasyon in aid of election, ahem, legislation.

Sa kasalukuyan ay umaangkat pa rin ang bansa ng karagdagang suplay ng tabako mula China at Vietnam.

Kaya imbes na pabayaang malugi nang tuluyan ang mga kabsat natin, kailangan silang suportahan.
Sey nga ni Imee: Sa tingin ko ay dapat magtanim pa rin kasi kitang-kita na nag-aangkat tayo ng tobacco.

“Nagagalak ako kasi magkakaroon pa ng meeting ang ating mga NTA administrators. Sana magkaroon na rin ng makabuluhang tobacco farmers policy. Inaasahan ko rin ang tuloy-tuloy na pagtulong dahil ang sabi nga ‘wag daw mahiya at humingi kung may kailangan.”

Mataas ang demand dito kaya marapat lang na sagkaan ang patuloy na pagbaba ng produksyon at i-encourage ang mga magsasaka na doblehin ang trabaho upang makapagtanim ng mga tabako na may mataas na kalidad.

At tantanan na ang intriga. Please lang.

Read more...