Nasagip ng mga tropa ng pamahalaan ang isang Vietnamese sailor na dinukot at binihag ng Abu Sayyaf, nang magsagawa ng operasyon sa Mataja Island, Basilan, nitong Linggo, ayon sa militar Lunes.
Nasagip si Do Trung Hieu, isa sa mga crew member ng M/V Royal 16, sabi ni Rear Adm. Rene Medina, commander ng Naval Forces Western Mindanao.
Nasagip si Hieu ng mga tauhan ng Naval Task Group Basilan at Naval Task Force 61, sa ilalim ng Joint Task Force Basilan, matapos magsagawa ng intelligence operation, ani Medina.
“The intensified military offensive caused the Abu Sayyaf to flee, and opened a chance for rescue operations,” aniya.
Una dito’y hiniling ng Vietnamese government ang pinaigting na pagmomonitor sa mga Vietnamese kidnap victim sa Pilipinas, nang bumisita si Navy chief Vice Adm. Ronald Joseph Mercado sa Vietnam, kamakailan lang, ani Medina.
Nagsagawa rin ng airstrike bago nilunsad ang rescue operation, sabi naman ni Col. Juvymax Uy, commander ng Joint Task Force Basilan.
“Do Trung Hieu was rescued by troops as the bandits were forced to leave their stronghold, which were being targeted and overran by our operating troops,” aniya.
Si Hieu ay kabilang sa anim na crew member ng Vietnamese cargo vessel M/V Royal 16 na dinukot ng Abu Sayyaf sa bahagi ng dagat na malapit sa Sibago Island, Basilan, noong Nob. 11, 2016.
Ang iba pa’y sina Hoang Thong, Hoang Va Hai, Hoang Vo, Pham Minh Tuan, at Tran Khac Dung.
Noong Hulyo 5, natagpuan ang mga pugot na bangkay nina Thong at Hai sa Brgy. Tumahubong, bayan ng Sumisip.
Isang buwan bago iyon, natagpuang buhay si Vo sa Sitio Kumonal, Sampinit Complex, doon din sa Sumisip, matapos niyang makatakas sa mga kidnaper na noo’y binomba rin ng militar.
Mga tauhan ng napatay na si Abu Sayyaf sub-commander Alhabsy Misaya at ni Basilan-based sub-commander Radzmil Jannatul ang dumukot sa mga banyaga, ayon sa militar.
Samantala, inulat ni Uy na nakubkob ng JTF Basilan ang dalawang kuta ng mga tauhan ni Abu Sayyaf sub-commander Nurhassan Jamiri noon ding Linggo.
Nakatagpo ng mga improvised na bomba at components sa mga naturang pasilidad, aniya.
Dinala si Hieu sa isang military hospital para masuri at ma-debrief, bago ang pagbabalik sa kanya sa mga awtoridad ng Vietnam.
Nilulunasan siya ngayon sa Camp Navarro General Hospital ng Zamboanga City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending