29th SEA Games opisyal na bubuksan ngayon

KUALA LUMPUR – Pamumunuan ni taekwondo jin Elaine Kirstie Alora ang kanyang mga kababayan sa pagsali sa tradisyunal na parada sa pagbitbit sa bandila ng Pilipinas pati na sa pag-asa na mapaangat ang aandap-andap na tsansa ng mga kapwa atleta sa pormal na pagbubukas ngayon ng 29th Southeast Asian Games sa Bukit Jalil National Stadium dito sa mismong kabisera ng Malaysia.

Pupunuin ni Alora ang puwestong nakalaan sa kapwa Olympian na si Ian Lariba, na hindi nakasama sa inaasahang pagpapakita ng mga sayaw, kanta at maliliwanag na ilaw pati na ang tradisyunal na parada ng 11 kalahok na mga bansa matapos makipaglaban para sa kanyang kalusugan matapos ma-diagnose ng acute myeloid leukemia.

Makakasama ni Alora sa malaking delegasyon ng Pilipinas sina chief of mission Cynthia Carrion, Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco Jr., Philippine Sports Commission (PSC) executive director Carlo Abarquez, deputy chief of mission Robert Mananquil at Robert Bachmann pati na ang mga atleta, coaches at opisyales mula sa archery, athletics, aquatics, taekwondo, netball at sepak takraw, na lahat ay nangako ng isang malakas na kampanya para malampasan ang ikaanim na puwesto na pagtatapos sa nakaraang edisyon ng kada dalawang taon na torneo sa Singapore noong 2015.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon ni Alora na pamunuan ang pagmartsa ng mga atletang Pinoy. Una na itong natoka sa pagsali ng bansa sa Rio Olympics noong nakaraang taon para bitbitin ang bandila ng bansa sa closing ceremonies ng kada apat na taong torneo nang ang matalik na kaibigan na si Lariba ay hindi makasama.

“Of course, I will be carrying the flag and playing for the country for her. Para sa kanya talaga ito,” sabi ni Alora, na dumating noong Biyernes subalit hindi pa masasabak sa aksyon hanggang ikalawa sa huling araw ng tatlong linggo na torneo.

“I will be fighting on the 29th. But it’s okay. At least we get a good feel of the competition at madami rin kaming mga nakakasabay sa training.”

Optimistiko naman si Carrion sa tsansa ng Pilipinas matapos na agad makapagbigay ng tatlong medalya ang mga atleta na pilak mula sa sepak takraw at pares ng tanso sa archery sa unang limang araw ng labanan.

Inihayag nito ang ideya na solidong kampanya bilang paghahanda para sa pagho-host ng bansa sa 2019 bagaman nanatili sa kanyang target na makapagwagi ng mahigit sa 50 gintong medalya na inaasahang malalampasan ang ikaanim nitong puwestong pagtatapos sa Singapore.

“The athletes are really in an up mood,” sabi ni Carrion, na nakatuon sa women’s marathon event ngayong umaga kung saan sasabak si Olympian Mary Joy Tabal na malaki ang tsansa na makamit ang pinakaunang gintong medalya ng bansa.

“I’ve been to a lot of SEA Games and this is the first time I saw the athletes in an up mood. Don’t you feel it? They really want to win something; their really fighting hard to put the Philippines up there.”

Read more...