Ang Comelec at ang away ni Andy at ni Tisha

NOONG Lunes, usapan ang batikusan nina Comelec chairman Andy Bautista at socialite wife Patricia Bautista. Gamit ang mga nakuhang dokumento sa bahay, ibinulgar ni Patricia ang “unexplained wealth” na mahigit P1 bilyon ng kanyang asawa na taliwas sa P175 milyon yaman nito na nakadeklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN).
Ayon kay Patricia, nakuha niya ang mga bank books, tseke, titulo ng lupa at iba pang dokumento sa nakakalat sa kanilang “condominium”.
Diumano, 10 buwan nang nagnenegosasyon si Patricia at asawa kung magkano ang makukuha nitong pera sa kanilang paghihiwalay.
Noon pang 2013, bagamat nasa isang bubong, kasama ang mga anak, hindi na nagsasama ang mag-asawa dahil sabi ni Chairman, nakakuha ng “soulmate” na iba ang kanyang misis.
Ayon kay Chairman Bautista, P90 milyon o kalahati ng kanyang idineklara sa SALN ang handa niyang ibigay sa misis , pero ang hinihi-ngi naman nito noon ay P250 milyon.
Noong Oktubre 2016, noong nasa Amerika si Chairman Andy, binuksan daw ang kanyang “locked cabinet” at nawala ang marami niyang personal na dokumento.
At mula noon, nagsimula ang mas mainit na tawaran at awayan.
Ngayon, sinasabi ni Chairman, P620 milyon na ang hinihingi ng kanyang asawa at mga abugado, kasabay ang pagbabanta na isusumbong siya nito kay Pres. Duterte at sasampahan ng impeachment kung hindi papayag.
Sa Malakanyang, pinag-aayos din sila ni Pres. Duterte pero walang nangyari dahil lumabas na sa media itong si Patricia nitong nakaraang Linggo.
Isinumite nina Patricia ang mga dokumento sa NBI na nagsimula na ring imbestigahan ang mga akusasyon.
Pati ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na dating hinawakan ni Andy ay nagsisiyasat na rin kung may katiwalian ang dating opisyal.
Kahit ang Comelec ay magkakaroon na rin ng imbestigasyon sa mga alegasyon.
Sa Kongreso, nagsampa ng “impeachment complaint” laban kay Andy si Oliver Lozano samantalang si ex-Rep. Jacinto Paras ay magsasampa rin daw ng impeachment sa House of Representatives nga-yong linggo laban sa Comelec chair.
Sinampahan naman ni Chair Bautista ang kanyang misis ng mga kasong “grave coercion, qualified theft, robbery” at “extortion” dahil sa umano’y pagsira sa kanyang “locked cabinet” .
Kinasuhan din niya ng paglabag sa Anti-Cybercrime law si misis at ang abogadong si Lorna Kapunan at iba pang John Does dahil binuksan at ginamit nito ang kanyang “private emails” sa kanyang IPAD.
Nasa bansa na ang kapatid ni Andy, si Dr. Martin Bautista na nagsabing si Andy ang “treasurer” ng kanilang pamilya kaya’t nakalagay ang “and/or” sa lahat ng kanilang “accounts’ sa Luzon Deve-lopment bank na nagkakahalaga ng P389 milyon.
Ipapaliwanag daw nila isa-isa at detalyado ang nasabing pera at hindi totoo na “unexplained wealth” ito.
Sa ngayon, may mga “pressure” na dapat mag–resign o mag-leave of absence itong si Comelec Chairman. Isang bagay na diumano’y “open” siyang gawin. Bilang constitutional officer, maaari lamang siyang matanggal sa pamamagitan ng resignation o impeachment.
Kayat, dito pumapasok ang anggulong pulitika ng away mag-asawa. Kasama ba sa plano ni Patricia at mga nakapaligid sa kanya na tanggalin sa Comelec ang kanyang mister?
Nagpaalam ba si Patricia kay Pres. Duterte na isusulong nila ang pag-alis nito sa Co-melec?
Kung ako ang tatanungin, mas mabuti pang magkaroon ng “full blown impeachment trial” nang magkaalaman na kung ano ang totoo at hindi totoo.
Kung walang tinatago si chairman Bautista, dapat ay harapin niya ito.
Malalaman natin ngayon kung sino ang nagsisinungaling dito, si Chairman o si misis.

Read more...