IPINAMALAS ng Philippine women’s volleyball team ang buo nitong lakas upang hatakin ang South Korea na gamitin ang top hitter nito na si Kim Yeonkoung bago nalasap ang 23-25, 18-25, 12-25 kabiguan Linggo sa ginaganap na 2017 Asian Women’s Senior Volleyball Championship sa Alonte Sports Complex sa Biñan, Laguna.
Ipinadama ng No. 79 ranked na mga Pinay ang malaking posibilidad na maganap ang upset kontra sa
No. 10 ranked sa mundo na mga Koreana na kinailangan ang tulong ng pangunahin nitong manlalaro bago itinala ang ikalawang panalo sa Pool E quarterfinals classification.
Nahulog ang mga Pinay spikers sa 0-2 na carryover na kartada patungo na sa knockout crossover quarterfinals na magsisimula bukas.
Samantala, masasaksihan ang maagang paghaharap ng Pilipinas at Vietnam bago ang 29th Southeast Asian Games sa krusyal na labanan ngayon sa Pool play.
Ganap na alas-5:30 ng hapon makakasagupa ng naghahanda para sa paglahok nito sa pangrehiyon na multi-sports event na SEA Games na gaganapin sa Agosto 19-30 sa Kuala Lumpur, Malaysia na mga national volleybelles ang kasama naman nito sa grupo sa eliminasyon na mga Vietnamese.
Unang makakaharap ng Pinay volleybelles sa SEA Games ang host Malaysia bago sundan ng kapwa importanteng laban kontra Vietnam.
Target ng koponan ni national coach Francis Vicente na makatuntong sa semifinals ng ginaganap na Asian Seniors kung saan ang nagtatanggol na kampeon ay China upang mabitbit nito sa pagtungo sa Malaysia para sa inaasam naman nitong makabalik sa kampeonato ng kada dalawang taong SEA Games.
Huling nagkampeon ang Pilipinas sa SEA Games women’s volleyball event noong 1993 habang pinakahuli nitong inuwing medalya ay tanso noong 2005 sa huling pagho-host ng Pilipinas ng torneo sa Bacolod City.