HETO na naman ang Meralco Bolts at tila sobra-sobra ang ‘power supply’ kung kaya’t nasusunog ang mga nakakaharap.
Nakakaapat na sunod na panalo na ang mga bata ni coach Norman Black sa kasalukuyang PBA Governors’ Cup.
Sinimulan nila ang kanilang kampanya nang durugin nila ang Blackwater, 107-78, noong Hulyo 21. Isinunod nila ang defending champion Barangay Ginebra, 93-78, noong Hulyo 23.
Iyon ang tinatawag na ‘sweet revenge’ para sa Meralco. Magugunitang tinalo sila ng Gin Kings,
4-2, sa Finals ng Governors’ Cup noong nakaraang taon. Ito ay natapos na makalamang sila, 2-1.
Sa kanilang rematch ay pinatunayan ni Allen Durham na karapat-dapat nga niyang mapanalunan ang Best Import award noong isang taon nang hiniya niya si Justin Brownlee ngayon.
Ang ikatlong biktima ng Bolts ay ang Rain or Shine, 89-73, noong Hulyo 29. At noong nakaraang Linggo ay tinambakan nila ang Kia Picanto, 112-97.
So very impressive ang Bolts at mukhang talagang desidido silang maisubi na nga ang kauna-unahang titulo buhat nang maging miyembro ng liga.
At siyempre, para kay Black, isa na naman itong record. Maalalang siya ang nagbigay sa San Miguel Beer ng una nitong Grand Slam. Siya rin ang nagbigay sa Sta. Lucia Realty ng una nitong kampeonato bago ito namaalam sa liga.
Siyanga pala, ang prangkisa ng Sta. Lucia ang siyang binili ng Meralco upang makapasok sa PBA. Ang unang naging coach ng Bolts ay si Paul Ryan Gregorio na nabigong mapagkampeon ang koponan sa loob ng tatlong taon. Siya ay hinalinhan ni Black.
Sa kanyang ikalawang season ay naihatid ni Black sa Finals ang Meralco. Ngayon kaya ay maigigiya na niya sa ‘lupang ipinangako’ ang Bolts?
Pwede!
Pero maraming nakaharang sa daan. Na-bulldoze na nila ang nga acknowleged powers na Rain or Shine at Barangay Ginebra. Siyempre, nandiyan pa ang mga kagaya ng Star, TNT KaTropa, Alaska Milk at Grand Slam seeking San Miguel Beer.
Bukas nga ay magtutuos sila ng vastly-improved NLEX na nakapagsimula sa torneo ng may apat na panalo bago nasilat ng Barangay Ginebra, 110-97, sa Calasiao, Pangasinan noong Agosto 5.
Makakatuwang ni Durham sina Chris Newsome Cliff Hodge Jared Dillinger, Baser Amer, Garvo Lanete at Reynell Hugnatan.
Makatatapat ni Durham si Aaron Fuller ng Road Warriors na tutulungan nina Paul Asi Taulava, Kevin Alas, Carlo Lastimosa, Jonas Villanueva, Larry Fonacier at JR Quinahan.
So, tiyak na matindi ang magiging duwelo ng sister teams na ito sa Mall of Asia Arena bukas sa pagpapatuloy ng torneo matapos ang isang linggong bakasyon.
Kung mairerehistro ng Bolts ang ikalimang tagumpay ay tiyak na tataas ang kanilang morale. At kung malalasap ng Road Warriors ang ikalawang sunod na kabiguan, baka magpatuloy ang kanilang pagdausdos.
Ito ang defining moment para sa dalawang koponang ito.