MADALAS, ang demonyo ang nananaig, gumaganti. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Blg 13:1-2, 25, 14:1; Slm 106; Mt 15:21-28) sa paggunita kay Santa Teresa Benedicta ng Krus, dalaga at martir.
Sa hangad ni Duterte na makaahon sa lusak ang Customs, pinili niya ang mga sundalo, na sa kanyang maling akala ay disiplinado at di gagawa, o kukunsintihin, ang katiwalian. Pero, ilang Ebanghelyo na ang nagsabi na ang demonyo ay nag-aanyong banal, disiplinado at, sa Pagninilay, ay demonyo nga.
Si Duterte lamang ang dapat sisihin kung bakit nagkawindang-windang ang Customs. Ang hinirang niya ay walang alam sa taripa, batas ng droga at intel. Kapag ang hinirang ay walang alam, masahol pa sa b.o.b.o’t g.a.g.o yan. Bogs-talbog, mismo, kay Digong ang pagmumura niya.
Teka. Hindi napalusutan sina Faeldon at mga sundalong kontra-GMA sa Customs. Pinalusot ang shabu, nagmaang-maangan at nagturuan nang mabuking. Alam ito ng matatandang reporters sa Customs. Sa matatandang reporters, walang lihim at palusot sa Customs. Lahat ay ginagawa para magkamal ng pera.
Hindi ba sumagi sa isip ni Duterte na ang mismong mga sundalo sa Customs ang magpapabagsak sa kanya sa kahihiyan? Di ba siya nagdududa na nag-iipon lang yan ng panggastos? Puwede silang “magpakabayani” at ibenta ang kanilang kaluluwa sa mayayamang nais makudeta si Duterte. Kumabig na kay Duterte, kumabig pa sa kabila, di ba Trillanes?
Ngayon, alam ko na ang sagot kung bakit mas dumami ang shabu sa North Caloocan, lalo na sa Camarin at Bagong Silang; sa Gaya-Gaya at Muzon sa San Jose del Monte, Marilao at Malolos, Bulacan. Iyan ang bahagi ng “nawawalang” shabu. Tama ang mga tiktik na PO1: “naubos” na ang shabu; nag-resupply lang mula China.
Nagmumulto si Corona. Hindi niya minumulto si Sereno. Hindi rin niya minumulto sina Drilon, atbp. Minumulto niya ang naging hatol sa kanya. Kung siya ay napatalsik nang dahil sa SALN, bakit kakanlungin ang marami pang iba, lalo na ang mga batang Aquino?
Sa dami ng off-the-record na sumisingaw sa Comelec, aba’y mas tinalo pala ni Grace Poe si Mar Roxas pero malaki pa rin ang lamang ni Duterte. Kung paniniwalaan ang simpleng kuwenta ng magtataho sa gilid ng Comelec, kulelat si Roxas. Walang lihim na di nabubunyag, anang Ebanghelyo.
Sa mga homiliya pagkatapos ng nangyari kay Monsinyor Arnel Lagarejos, ang pangunahing aral ay madaling magpakasama. Ang kasamaan ay walang halaga. Mahirap magpakabuti at pagdurusa ang mas maging pinakamabuti. Mabibilang sa daliri ng kamay ang mga pari sa Diocese of Malolos na nagnilay sa mortal na kasalanan ni Lagarejos dahil karaniwang di naghuhusga ang pari sa kapwa pari.
Libreng katamaran, sagad na bulakbolan. Iyan ang idudulot ng libreng matrikula sa SUCs. Ang mga estudyante sa PUP at UP ay nanununog ng ari-arian ng unibersidad, na binili ng taumbayan. Kapag graduate na, baluktot pa rin ang kanilang Ingles at Tagalog. Karamihan sa mga komunista ng First Quarter Storm ay yumaman sa imperyalistang Amerika.
PANALANGIN: Imakuladang Birhen Maria, durugin mo ng iyong mga paa ang demonyo. Panalangin kontra demonyo ni Fr. Jocis Syquia, chief exocist.
MULA sa bayan (0916-5401958): Sana kilalanin ng gobyerno ang mga kalansay na nahukay na pinatay daw ng mga Parojinog. Sana tulong lahat para makilala ang mga pinatay. Eddie ng Gotokan Daku, Ozamiz City …8709
Marami pa rin ang walang trabaho sa amin. Hindi namin naintindihan ang ipinipilit na Federal. Baka mas lalong walang trabaho pag Federal. Jay-r ng Pala-o, Iligan City …2311
Maraming sympathizer ng NPA dito. Galit ang mga traders sa kanila. Yol ng Roxas City, Mindoro …4502
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.