SA sobrang pagtutok ng mga miron sa kanyang buhay ngayon ay naiisip siguro paminsan-minsan ni Alden Richards na mas mabuti pa nu’ng mga panahong nangangarap pa lang siya at tahimik ang kanyang kapaligiran.
May privacy siya, nakapupunta siya sa kahit saan na walang kakambal na intriga, hindi tulad ngayon na kaunting kibot lang na hindi magustuhan ng mga tao sa paligid niya ay bina-bash na siya agad sa social media.
Ang bentahe lang ngayon ay meron na siyang marka, Pambansang Bae na siya, sikat na sikat na si Alden Richards na sobra-sobra niya namang ipinagpapasalamat.
Pero sana nga ay intindihin din ng iba na kahit ganyan na siya kasikat ay nangangailangan din siya ng kapribaduhan. May mga bagay-bagay na kailangang para sa kanya lang, hindi pampubliko, lalo na pagdating sa kanyang lovelife.
Para siyang tumutulay sa alambre, kailangang kay Maine Mendoza lang nakatutok ang kanyang panahon, makipaglapit lang siya sa mga kapwa niya artistang babae ay malaking krimen na agad ‘yun para sa mga miron na gustong kontrolin-paikutin ang personal niyang buhay.
Malungkot daw sa itaas, sabi ng mga sikat na artista, dahil hindi nila alam kung sinu-sino ang totoo sa kanila.
Ngayon ay naiintindihan na ni Alden Richards kung ano ang ibig sabihin ng gasgas nang linyang “It’s lonely at the top.”