SINGLE na single at ready to mingle na uli ang Kapamilya actress na si Bela Padilla matapos ang kontrobersyal na paghihiwalay nila ni Neil Arce, ang rumored boyfriend ngayon ni Angel Locsin.
“Yes I’m ready. I think as of today, August 9, Bela is ready!” ang pahayag ng dalaga sa solo presscon na ibinigay sa kanya ng Viva Films para sa pelikulang “100 Tula Para Kay Stella” na isa sa mga entry sa first ever Pista Ng Pelikulang Pilipino na magsisimula na sa Aug. 16.
Pero sey ng aktres, sa lahat ng gustong manligaw sa kanya dapat daw ay makilala muna ang kanyang mommy. Mahalaga raw para sa kanya ang magiging reaksyon ng kanyang ina sa personalidad ng mga kanyang suitors.
Dito rin dinenay ni Bela na wala pa silang relasyon ni Zanjoe Marudo na nali-link ngayon sa kanya.
Hindi rin daw sila nagde-date dahil pareho pa silang busy sa kanilang mga trabaho.
Samantala, nakakatuwa ang kuwento ni Bela tungkol sa pagmi-meet nila ng kanyang leading man sa “100 Tula Para Kay Stella” na si JC Santos sa studio ng Tonight With Boy Abunda.
“Nu’ng una ko siyang na-meet, sinupladuhan niya ako, kaya sabi ko baka hindi niya ako masyadong trip na katrabaho. Every shooting, hindi ko ipinapalimot sa kanya, sinasabi ko, ‘Okey na ba tayo, JC?’
“Niloloko ko lang siya, pero siya, hiyang-hiya palagi. Nag-meet kasi kami dati sa TWBA. Parang ipinakilala kami, I mean, kilala ko na talaga siya, pero first time na nag-meet kami.
“Sobrang happy ko pa naman na finally, mami-meet ko na siya. Alam ko na taga-theater siya, marami rin akong kaibigan na taga-theater. Sabi ko, ‘Hi JC!’ Super hi pa ako sa kanya. Tapos sabi niya, ‘Hi, Bela Padilla.’ Huh! Suplado!
“Kaya nu’ng nalaman ko na siya ang katrabaho ko, ‘Gusto ba niya talaga na makatrabaho ako?’ So, niloloko ko siya every shooting, ‘JC, okey lang ba sa ‘yo na ako ang kasama mo dito?’ Nu’ng una, nahihiya pa siya. Ngayon, natatawa na lang. Feeling ko, malapit na siyang mainis sa akin.”
Inspired ng real-life love story ng direktor na si Jason Paul Laxamana ang “100 Tula Para Kay Stella” na tungkol kay Fidel (JC) na may diperensiya sa pananalita. Ipahihiwatig niya ang kanyang pagmamahal kay Stella (Bela) sa pamamagitan ng pagsulat ng tula.
Sey ni Bela hindi sila ni JC ang orihinal na napili para maging bida sa pelikula. Kaya malaki ang pasasalamat niya sa Viva Films dahil sa kanila rin ito napunta sa huli, “Sumugal sila kasi kakaiba yung materyal pero pinayagan nila kaming gawin ‘to.”
Simple ngunit tagos sa pusong mga tula, mga patikim na awitin at musika, ang mahusay na pagganap nina JC at Bela – saksihan ang mga ito at alamin kung bakit isa ang “100 Tula Para Kay Stella” sa mga de-kalibreng at pinakainaabangang pelikula sa kauna-unahang Pista Ng Pelikulang Pilipino na mapapanood na simula Aug. 16.