MAY bago na namang ihahaing reality show ang ABS-CBN, ang Little Big Shots na magsisimula na sa Sabado, Agosto 12 at Linggo, Agosto 13 hosted by Billy Crawford.
Sa launching ng nasabing programa nitong Martes ay napahanga nang husto ang entertainment press sa ipinalabas na pilot episode na mapapanood sa Sabado.
Bibida rito sina Alyssa, 9, na napakagaling sa pole dancing; Rodzen, ang 3 year old na super cute at sobrang bibo na umaming may crush sa child star na si Zia Vigor; si Janice na sa edad na 5 ay marunong nang magtanggal ng tinik ng isda; hip-hop dancer naman si JM Javier na sa edad 9 ay wala nang takot sa pag-tumbling-tumbling na mala-Streetboys; at si Zidane Klyde Torregoza, 3, na nagpakitang-gilas naman sa Geography.
Sinadya naming hindi ikuwento kung ano ang ginawa ng mga batang ito para ipakita ang kani-kanilang mga talento para panoorin ng madlang pipol. Nakasisiguro kaming matatawa, mapapangiti, magugulat, mapapa-wow at mapapaiyak ang viewers sa kanila.
Alam naman ng lahat na mahirap katrabaho ang mga bata kaya maraming bumilib kay Billy dahil wala pa naman siyang anak kaya paano niya nakukuha ang loob ng mga bagets.
Sabi ng TV host, “Actually po, hindi ko inisip kung makukuha ko ito (hosting job), to be honest, I just found out about Little Big Shots recently lang from the States, ‘yung kay Steve Harvey.
“Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit napunta sa akin, the best thing I can say is, I’m really thankful. For me, it’s not a competition sa host kasi hindi po ‘yung host ang pinakaimportante po rito, ang title ay Little Big Shots, ang mga bida po rito ay ang mga kabataan.
“It was a challenging role for me to play kasi like si Steve Harvey or the other hosts sa ibang bansa, mga parents na po sila. So ‘yun po ‘yung nagpanerbyos sa akin kasi wala pa akong anak, mahilig ako sa mga bata, obviously, fiancée ko (Coleen Garcia) is 10 years younger.
“Pero mahilig po akong makipaglaro sa mga bata and I don’t know, I guess talagang bigay na ni Lord ito sa akin and I really couldn’t ask for more and I’m so-so happy to have this job,” paliwanag ni Billy sa presscon ng LBS.
q q q
Pagkatapos ng presscon ay nakorner ng ilang members ng entertainment press si Billy at tinanong tungkol sa balitang kumalat na naunang ipinangako kay Ogie Alcasid ang programa.
“Hindi ko po alam, kasi pareho kaming nag-audition pero hindi ko nakita, I think one day ahead si kuya Ogie sa akin. Sinabi lang ni Sir Louie (Andrada, business unit head) sa akin na ako nga raw ang napili.
“To be honest, hindi ko alam na sabay kaming nag-audition kasi sabi lang sa akin ni sir Louie, ‘Mag-audition ka, may bagong programa ganito-ganyan.’ Wala talaga akong alam kasi binigyan lang ako ng spiels bahala na ako kung anong gagawin ko sa mga bata.
“At si kuya Ogie, wala akong masabi kasi nu’ng in-announce na nila sa akin na napunta sa akin ‘yung programa, ang unang nag-text sa akin, si kuya Ogie. Sabi niya, ‘Bro, I’m happy for you, I’m proud of you, I will always be right here behind you anytime you need me. It’s nothing about competition talaga,” paliwanag ng TV host-actor.
Ang Little Big Shots ay umeere na sa 15 countries at ang magiging benepisyo ng mga batang nagpakitang gilas sa kanilang mga talento ay posibleng mapansin sila sa ibang bansa at imbitahin para roon mag-perform.
Kinlaro ni Louie Andrada na talent show ito pero hindi kontes, “Of course we will give them (kids) something at habang naghahanap kami ng talented kids at kausap namin ang mga magulang, iisa lang naman talaga ang sinasabi nila, ‘we want to make our family proud. We want our parents to be proud of us’. So ‘yun lang, sapat na sa kanila.
“At ang maganda kasi rito, ‘yung entire franchise niya sa buong mundo, kapag nagustuhan sila papupuntahin sila sa ibang bansa.
“Like for example si Ella Nympha (The Voice Kids winner), di ba nagustuhan siya sa Amerika, now si Ella, pupunta na ng Israel at Spain. ‘Yung tineyp naming episodes, mayroon na ro’n tatlong napili kasi nu’ng nagte-taping kami, nandito ‘yung consultant ng Warner (Bros), nag-a-identify na siya na, ‘we want these kids for US’. So, mas magiging malawak ang opportunities for them,” paliwanag ng TV executive.
Nabanggit din na may mga napili rin mula sa Tawag Ng Tanghalan Kids at inaayos na ang mga visa nila para ipadala sa US at UK.
Kaya sa mga naaliw sa reality shows na The Voice Kids, Your Face Sounds Familiar Kids, Tawag ng Tanghalan Kids, nakatitiyak kaming mas matutuwa at mag-eenjoy kayo sa Little Big Shots tuwing Sabado at Linggo sa ABS-CBN.