Bakit naman nagkasakit si Nicanor Faeldon?

GUMAGAWA lang ng kwento ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) nang sabihin nito na balak ng Central Intelligence Agency o CIA na patalsikin si Pangulong Digong.

Sabi pa ng NDFP na balak din ng CIA na ipapatay si Joma Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines, upang sirain ang morale ng mga komunista sa bansa.

Kung totoo ang tinuran ng NDFP, bakit at saan nila nakuha ang impormasyon?

Maaaring ayaw ng US si Pangulong Digong, pero wala naman siyang masamang ginawa sa America upang magalit ito sa kanya?

Maaaring ayaw ng CIA kay Sison, pero ano naman ang mahihita ng America sa pagpatay sa isang communist leader na hindi threat sa kanila?

Si Sison ay ngawa lang nang ngawa sa Netherlands at hindi sinusunod ng New People’s Army (NPA) sa bansa dahil siya’y nagpapasarap doon at naghihirap naman sila rito.

Isa pa, hinahangaan nga ni US President Donald Trump si Digong dahil sa kanyang tapang sa pagpuksa ng droga sa ating bansa.

Gusto pa ngang gayahin ni Trump si Digong kung hindi lang mahigpit ang human rights sa America.

***

Kung ako si Comelec Chairman Andres Bautista ay magbibitiw ako sa tungkulin upang di na umabot sa impeachment.

Kapag natanggal siya dahil napatunayan na siya’y nagkamal ng malaking salapi bilang public official—chairman ng Presidential Commission on Good Government at ngayon ay chairman ng Commission on Elections—siya’y mapapatalsik.

At yan ay malaking kahihiyan.

Ang magiging testigo laban sa kanya ay ang kanya mismong misis na si Patricia Bautista.

Gusto kasi nitong si Mrs. Bautista na maghati sila ng kayamanan ng kanyang asawa bago sila maghiwalay ng landas.

Ibinunyag ni Patricia ang malaking perang deposito ni Andres sa mga bangko at mga ari-arian nito na hindi idineklara sa kanyang SALN.

Lahat-lahat, ang assets ni Andy ay mahigit na P1 bilyon, ani Patricia.

Saan naman kinuha ni Bautista ang ganoon kalaking halaga?

Sabi ng   marami, e, saan pa nga raw kundi sa PCGG at sa nakaraang eleksiyon na malawakan ang dayaan.

Noong nakaraang halalan, anila, si Bongbong Marcos ang nanalo pero dinaya sa pagiging vice president at si Digong, kahit na ito’y nanalo, ay binawasan ang kanyang boto ng malaki.

Maraming nagsasabi na nakakuha sana si Digong ng 21 milyong boto sa halip na 16 mil-yong boto na kanyang ipinanalo.

Isang kaibigan ni Patricia ang aking nakausap.

Sinabi niya na sinabi sa kanya ni Patricia na karton-karton ng gatas na puno ng pera ang dumarating sa bahay nila bago mag-eleksiyon.

Saan naman nangga-ling ang mga karton-karton na pera?

 

qqq

Nagkukunwaring may sakit si Customs Commissioner Nicanor Faeldon o kaya’y natakot siya kaya’t hindi siya nakadalo sa hearing ng Senate blue ribbon committee kahapon.

Ang hearing ay tungkol sa pagpuslit ng P6.4 bilyon na shabu shipment sa customs zone.

Sinabi ng kanyang mga tauhan kay Sen. Dick Gordon, chairman ng blue ribbon committee, na nanikip o sumakit ng matindi ang dibdib ni Faeldon kaya’t itinakbo siya sa ospital.

Ang chest pains o paninikip ng dibdib ay tanda ng impending heart attack.

Pero sa batang edad at dating Marine officer, bakit siya magkakaroon ng heart attack?

Too much of a good time siguro dahil nagpapakasasa sa sarap.

O kaya’y natatakot siya na baka siya mabuking ni Dick Gordon na sinisigawan ang mga taong nagsisinungaling sa kanya sa Senate hearing.

Kapag naman wala siyang ginawang masama bakit naman matatakot si Faeldon na humarap sa blue ribbon committee?

Read more...