Isang gabi ay nag-iiyak daw itong si Vice Ganda sa isa niyang kaibigan. Masakit daw ang hagulgol ng becking komedyante, nagpapalahaw talaga siya, napakasakit kuno ng paglalabas niya ng sama ng loob sa kaibigan niya.
Tinablan na siguro siya ng super-negatibong komentong nakakalat na parang basura sa halos lahat ng social networking sites, wala naman kasing pumupuri sa kanyang ginawa sa respetadong news anchor na si Jessica Soho, puro nega ang inaabot niya ngayon mula sa ating mga kababayan.
Nagmayabang pa kasi siya sa isang interbyu pagkatapos ng ginawa niyang panglalait-paglalaro sa pagkatao ni Ms. Soho, ang akala raw niya ay mawawasak siya ng mga negatibong komento ng mga kababayan natin, hindi pa rin daw naman pala at meron pa siyang ilalakas.
Pero tao lang din ang komedyanteng ito na umaaray, kaya isang gabi ay humagulgol siya nang wagas na wagas sa isa niyang kaibigan, du’n niya ibinulalas ang sakit na nararamdaman niya ngayon sa literal na pagpapako sa krus sa kanya ng publiko.
Komento ng isang nakakakilala kay Vice Ganda nang mula ulo hanggang paa, “Kilalang-kilala namin siya. Kahit ‘yung panghihingi niya ng apology kay Jessica Soho, hindi namin kinakitaan ng sincerity.
“Ginawa niya lang ‘yun para mabawasan ang mga haters niya, pero hindi ‘yun galing sa puso, para pa rin sa career niya ang pag-a-apologize na ‘yun. Si Vice pa? Aysus, kilalang-kilala namin siya,” komento ng aming kausap.
Sa madalas sabihin ngayon ng mga nagmamalasakit sa kanya na sana’y may leksiyon siyang natutuhan sa nangyari, harinawa ngang meron, dahil kung wala ay magpapatuloy pa rin sa kanyang kagaspangan ang becking komedyanteng ito.
Sa totoo lang. Sobra-sobra na kasi ang paniniwala ni Vice Ganda sa kanyang sarili, tingin niya ay napakasikat na niya, isang uri ng katanyagan na wala nang katapusan.