Vhong umaasang ibabasura rin ng korte ang bagong rape case ni Deniece

TINANONG namin si Vhong Navarro pagkatapos ng “Woke Up Like This” presscon na ginanap sa Valencia Events Place nitong Biyernes, tungkol sa bagong rape case na isinampa sa kanya ni Deniece Cornejo.

Matagal nang walang balita tungkol sa kasong ito, ayon kay Vhong na-dismiss na ang dalawang kaso noong 2014 pa at laking gulat niya na nagsampa ulit sa ikatlong pagkakataon si Deniece ng kaparehong kaso.

Nagulat ang supporters ng komedyante dahil nasulat ng veteran journalist na si Tony Calvento noong Hulyo 9 na anumang oras ay aarestuhin na siya. Ayon kay Vhong, “Wala pang warrant of arrest.”

Sa ikatlong kasong isinampa ni Deniece ay umaasa si Vhong na matutulad din ito sa dalawang naunang kaso na na-dismiss na. Ayaw nang magsalita ng komedyante tungkol dito hihintayin na lang daw niya ang desisyon ng korte.

Samantala, sa “Woke Up Like This” presscon ay inamin ni Vhong na mahirap pala ang maging babae, ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit mas importante ang Mother’s Day para sa lahat.

“Kaya pala napakaimportante ng Mother’s Day kasi ang hirap pala talagang maging babae, ang hirap palang maging ina. Kasi ang lalaki, paggising puwede na kaming umalis, ang babae hindi, kasi ang dami pa nilang dapat gawin hindi lang para sa sarili nila kundi para sa lahat ng mahal nila sa buhay.

“Kaya nagtataka ako, pag Father’s Day, nabati lang tayo ng ‘Happy Father’s day’, bakit pag dumarating ang Mother’s Day, napakaespesyal? Parang doon ko naintindihan talaga na ginawa ng Diyos na mas importante ang babae kaysa sa lalaki kaya nga sila ang ilaw ng tahanan. Kaya pala the best ang mga babae at dapat iginagalang at nirerespeto,” paliwanag ng aktor.

Samantala, ikalawang movie na pala nina Vhong at Lovi ang “Woke Up Like This”, “’Yung una halos hindi kami nag-uusap, sa ‘Shake Rattle & Roll’ sa Regal din kasi maiksi lang ‘yun kay direk Chito (Roño).

“Dito ko lang siya na-appreciate, na ang saya-saya pala niyang kasama, I mean parang tawa lang siya nang tawa sa bawa’t eksena. Ang sarap kasi kapag ‘yung kaeksena mo tawa lang nang tawa kasi lalo kang ginaganahan.

“Ang natutunan ko kay Lovi ay ‘yung pagiging professional, kumbaga akala ko professional na ako, mas nakita ko pa ‘yung pagiging professional ni Lovi,” aniya pa.

Natanong si Vhong kung sinong female local celebrity ang gusto niyang makapalitan ng katauhan na siya ngang tema ng pelikula nila ni Lovi.

“Anne Curtis, kasi parang siya ‘yung sobrang sikat, sobrang may kaya sa buhay at the same time, mabait, tapos ang sexy. Crush ka ng bayan tapos marami kang natutulungan. Tapos ang dami mong raket,” say ni Vhong.

Mapapanood na ang “Woke Up Like This” sa Agosto 23 mula sa Regal Films directed by Joel Ferrer.

Read more...