Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Blackwater vs Phoenix
6:45 p.m. Meralco vs Kia
Team Standings: Meralco (3-0); Star (3-0); NLEX (4-1); Barangay Ginebra (3-1); San Miguel Beer (2-1); TNT (2-1); Phoenix (2-2); Rain or Shine (1-2); GlobalPort (1-2); Blackwater (0-3); Alaska (0-4); Kia (0-4)
WINAKASAN ng Barangay Ginebra Gin Kings ang four-game winning streak ng NLEX Road Warriors matapos itong manaig, 110-97, sa kanilang 2017 PBA Governors’ Cup out-of-town game Sabado sa Calasiao Sports Complex sa Calasiao, Pangasinan.
Gumawa si Joe Devance ng 23 puntos para pangunahan ang Barangay Ginebra na mayroong limang manlalaro na umiskor ng double figures.
Nagdagdag si Justin Brownlee ng 22 puntos at 13 rebounds habang si LA Tenorio ay nag-ambag ng 17 puntos para sa Gin Kings na umangat sa 3-1 kartada. May tig-10 puntos naman sina Japeth Aguilar at Greg Slaughter para sa Ginebra.
Nagtala naman si Aaron Fuller ng 20 puntos at 17 rebounds para pamunuan ang NLEX na nalaglag sa ikalawang puwesto sa 4-1 record.
Samantala, ikaapat na sunod na panalo at solo liderato ang hahablutin ngayon ng Meralco Bolts sa pagsagupa sa Kia Picanto sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Magsasagupa muna ang Blackwater Elite at Phoenix Petroleum Fuel Masters ganap na alas-4:30 ng hapon bago ang salpukan ng hindi pa nagwawagi sa apat na laro na Kia at ang may malinis pa rin na kartada matapos ang tatlong laro na Meralco dakong alas-6:45 ng gabi.
Nauna nang nabiktima ng Meralco ang Blackwater (107-78), Barangay Ginebra (93-78) at Rain or Shine Elasto Painters (89-73).
Huling sinira ng Bolts ang gabi ni James Yap na sumapi sa PBA 10,000 points club nang maka-triple sa ikatlong yugto sa pagragasa nina reigning Best Import Allen Durham na nagtala ng 23 puntos, 23 rebounds at walong assists habang si Jared Dillinger na may 16 puntos at 3 rebounds.
Sasandigan naman ng Kia, na bitbit ang 0-4 panalo-talong karta, ang import na si Markeith Cummings.
Ipaparada naman ng Blackwater ang bagong import na si Henry Walker sa pagnanais nitong maputol ang tatlong sunod na kabiguan sa pagsagupa sa pinamumunuan ni Eugene Phelps na Phoenix Petroleum na may 2-2 kartada.
Aahon ang Phoenix mula sa magkasunod na pagkatalo buhat sa mga kamay ng NLEX (91-95) at GlobalPort Batang Pier (91-100) makaraang alpasan ang Alaska Aces (95-93) at sagasaan ang Kia (118-105).
Sinibak na ng Elite ang may groin injury na si Trevis Simpson at itatapat ang NBA journeyman na si Walker kay Phelps sa pagtatangka na mapigil ang posibleng apat na sunod na kabiguan.
Unang naglaro sa liga si Walker sa Alaska noong 2014 at noong isang taon sa NLEX.