Communications Group naglabas ng pahayag ng walang basbas ni Dominguez

NITONG nakaraang mga araw, pumalpak muli ang Communications Group ng Malacañang matapos namang magpalabas ng pahayag na galing umano kay Finance Secretary Carlos Dominguez na kalaunan ay itinanggin na siya ang nagsabi nito.

Matatandaang ipinatawag ni Pangulong Duterte si Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa Malacañang kasama si Dominguez dahil nasa ilalim ng DOF ang BOC.

Dahil closed-door meeting, walang nakakaalam sa naging resulta ng pag-uusap kundi ang dumalo lamang sa pagpupulong.

Pagkatapos ng pagpupulong, naglabas ang Communications Group ng pahayag na galing umano kay Dominguez na nagsasabing na nananatili ang tiwala ni Duterte kay Faeldon.

Kinabukasan, itinanggi ni Dominguez na galing sa kanya ang pahayag.

Siyempre hindi alam ng Communications Group kung paano magpaliwanag.

Lalu pang nadiin ang mga opisyal ng maglabas ng pahayag na galing kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella kung saan parehong-pareho ang nilalaman sa sinasabing pahayag ni Dominguez kaugnay ng umano’y tiwala ni Duterte kay Faeldon.

Ang ending, lumalabas na wala pala sa bansa si Abella at nasa US.

Ang palusot pa ng Communications Group mga staff lamang ang gumagawa ng statement para kay Dominguez.

Hindi ba’t napakalaking blunder ang ginawa ng mga opisyal ng Palasyo?

Mukhang hindi siniseryoso ng mga opisyal ng Malacañang kung gaano kasensibo ang mga pahayag mula sa Palasyo lalu na at ang kinakatawan nito ay ang Pangulo.

Mahigit isang taon na ang Communications Group kaya wala itong rason na bahagi pa rin ito ng pagiging bago sa gobyerno.

Kung hindi rin nila nagagawa ng tama ang kanilang trabaho ano pa ang silbi ng pagiging bahagi ng Communications Group ni Duterte?

Ang ending, ang tamang detalye kaugnay ng isinagawang pagpupulong ay galing na rin kay Duterte.

Ayon kay Duterte, hihintayin niya muna ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Kamara bago magdesisyon kung sisibakin o hindi si Faeldon sa harap ng kontrobersiyang kinakaharap ng BOC matapos namang makalusot ang P6.5 bilyong halaga ng shabu sa Customs.

Ang hindi maiwasang tanong tuloy kung paano nakakapagtrabaho ang mga opisyal ng Communications Group kung walang direktang impormasyon mismo sa mga nangyayari sa Malacañang.

At kung wala naman talagang sinabi ang isang opisyal, bakit kailangang pangalanan na ito ang nagsabi na sa huli ay itatanggi rin naman.

Sa mga nakaraang mga administrasyon kasi, kapag may mga pagpupulong ang pangulo na closed-door, kung maaari ay present ang Communications secretary na siyang nagbibigay ng opisyal na pahayag.

Sa kaso ng kasalukuyang Communications Group, wala na nga sa loob ng pagpupulong, gumagawa pa ang mga ito ng kwento.

Maaari namang aminin nila na wala silang access sa meeting kaysa magmukhang tanga.

Swerte lang ng ComGroup ng Malacañang popular ang presidente at napakaraming mga tagasunod, na hindi na kailangang ang gumimik para makakuha ng pogi points.

Read more...