Albie jackpot sa lovelife, career; Joseph Marco hubad kung hubad

SUPER happy si Albie Casino sa estado ng career niya ngayon, pati na rin sa takbo ng kanyang lovelife.

In fairness, hindi siya nawawalan ng trabaho at going strong pa rin ang relasyon niya sa kanyang model-girlfriend na si Michelle Arceo. Abot-langit din ang pasasalamat ni Albie na natapos na rin ang isyu sa kanila ni Andi Eigenmann.

Inamin ng binata sa nakaraang presscon ng “Triptiko: #MedyoWeird” na isa sa mga official entry sa gaganaping Pista Ng Pelikulang Pilipino ngayong Agosto, na nakakahinga na siya ngayon na maluwag at excited nang um-attend sa mga presscon dahil alam niyang wala nang masyadong intriga sa buhay at career niya.

“Dati kasi, nagdadalawang-isip akong pumunta sa presscon dahil alam kong tatanungin na naman ako about it (Andi at anak nitong si Ellie), pero ngayon, iba na. Kaya nga wala na kayong matanong sa akin, ‘no! Wala na kasing issue. Hahahaha!” pahayag ni Albie.

Kilala rin si Albie bilang palaban sa pagpapaseksi dahil wala rin itong hiya-hiya pagdating sa paghuhubad, pero dito raw sa “Triptiko” hinayaan niya munang si Joseph Marco ang magbilad ng katawan.

Trilogy ang pelikula at isa nga ito sa sinasabing most intriguing entry as kauna-unahang Pista Ng Pelikulang Pilipino na idinirek ng baguhang direktor na si Miguel Franco Michelena. Ayon kay direk, “It is an amalgamation between classics like ‘The Twilight Zone’ and ‘Black Mirror’ with an original dose of Pinoy humor para siyempre, maka-relate ang manonood.”

Hirit pa niya, medyo inspired din ng pelikula ni Quentin Tarantino na “Pulp Fiction” ang kanilang entry.

Bibida si Albie sa “Swerte” na tatalakay sa buhay ni Jake, isang binata na inakalang siya na ang pinakaswerte sa mundo pero biglang makakaranas ng sunud-sunod na kamalasan.

Si Joseph naman ang gaganap bilang Jason sa second story na “Hinog”. Dito magsasawa ang mga beki sa katawan ng Kapamilya hunk dahil nakahubad nga ang binata sa halos kabuuan ng pelikula. Gaganap siya bilang isang model na magkakaroon ng napakaraming pigsa sa kanyang katawan na pinaniniwalaang may koneksyon sa kulam o barang.

Sa ikatlong bahagi ng “Triptiko” bibida naman si Kean Cipriano na gaganap bilang folk musician na magbabalik sa limelight after two-years. Sa pamamagitan ng kanyang live show, ikukuwento niya ang makabagbag-damdaming love story nila ni Ann, na gagampanan naman ni Kylie Padilla.

“Built around three original songs that Kean performed live on the film, the story slowly reveals how John’s relationship ended in a painful conclusion when Ann started to transform into something he does not fully understand,” kuwento ni direk Miguel.

Dagdag pa niya, “Minsan ang buhay ‘medyo weird’ so I came up with the concept for ‘Triptiko’ which is three bizarre, absurd and out-of-this-world yet compelling plot lines.”

Tuwang-tuwa naman ang cast at ang buong production ng movie dahil Graded A ng Cinema Evaluation Board ang movie, ibig sabihin talagang dekalidad ang proyekto at karapat-dapat lang na panoorin ng bawat Pinoy.

Mapapanood na ang “Triptiko simula sa Aug. 16 bilang bahagi nga ng Pista Ng Pelikulang Pilipino organized by the Film Development Council of the Philippines. Kasama rin dito sina Jerald Napoles, Art Acuña, Jay Gonzaga, Pinky Amador at Karl Medina. Ito’y sa ilalim ng Michelena Brothers Productions at Barrio’s Pictures to be distributed by Star Cinema.

 

Read more...