SABI ng chief of staff ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon na si Mandy Anderson, ibinasura niya ang rekomendasyon ni Speaker Pantaleon Alvarez na i-promote ang isang customs employee dahil ito’y hindi qualified sa puwesto na inaaplayan.
Ito raw ay ikinagalit ng Speaker at pinatawag siya sa opisina at pinagalitan.
Pero ngayon ay lumalantad na si Anderson mismo ang pumirma ng mga papeles na gawing empleyado ng customs ang ilang mga basketball at volleyball players.
Ano naman ang alam ng mga basketbal o volleyball players sa trabaho sa Bureau of Customs? Di ba magshoot o maghampas ng bola?
At bakit hindi qualified sa puwesto ang nirerekomenda ni Alvarez samantalang taga-loob naman ito ng Customs?
Sino ang mas qualified, ang mga basketbolista at volleyball players o ang isang taga-loob na Customs employee na gusto lang ma-promote?
O, baka naman kaya nagalit si Anderson dahil dumiretso ang nasabing Customs employee kay Alvarez kaya’t wala siyang matatanggap na lagay?
Laganap ang lagayan sa Bureau of Customs.
***
Ibinunyag ni Mike Taguba, isang broker, ang lagayan sa Customs kada araw: P207 milyon.
Susmaryosep! Hindi puwedeng di alam ito ni Faeldon at ng kanyang mga kapwa Oakwood mutineers na isinama niya sa Customs.
Ang mga dating sundalo ay naghahari-harian sa Customs bureau at sila raw ang tagabantay ni Faeldon sa mga datihang opisyal at empleyado ng Customs.
Bantay-salakay ang tawag sa mga taong ninanakaw ng kanilang binabantayan.
Yan ang mga alipores ni Faeldon na dating mga sundalo.
***
Bakit ba pinagkakaabalahan ng Senado kung iimbestigahan ang pagkamatay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at ng kanyang asawa sa kamay ng mga pulis?
Di ba nanlaban si Mayor Parojinog at ang kanyang mga bodyguards nang ni-raid ng mga pulis ang bahay niya?
Positive for powder burns sina Parojinog.
Isa pa, walang kuwentang mga tao ang mga Parojinog at kung sinalvage man sila, eh ano ngayon?
Bakit natin iiyakan ang mga masasamang tao na walang pakundangang nangholdap ng mga bangko sa Metro Manila at nangidnap ng mga mayayamang Tsinoy noong dekada ’90?
Wala silang patawad kung pumatay at ang kanilang grupo, na tinatawag noon na Kuratong Baleleng, ay kinatatakutan kahit ng mga pulis.
Kapag ang Kuratong Baleleng ay nanghoholdap ng bangko o armored van na may kargang pera, nakatingin sa ibang lugar ang mga pulis o kaya’y nababahag ang kanilang mga buntot.
Walang humaharang sa kanila kaya’t nagkamal sila ng bilyon-bilyong piso sa kanilang masamang gawain.
Isang grupo lang ng pulisya, na pinangunahan ng Senior Supt. Panfilo Lacson, ang lumaban sa Kuratong Baleleng.
Sinorpresa ng grupo ni Lacson ang ilang miyembro ng Kuratong sa kanilang hideout, isinakay sa van at niratrat habang nasa loob.
Dahil dito ay naglaylo ang Kuratong at lumipat sa pagkakalat ng shabu at rice smuggling.
Wala ring makagalaw sa grupo ni Parojinog dahil takot ang mga pulis, piskal at huwes.
Ang ilang mga nangahas na dalhin sila sa hustisya ay pinatay ng grupo.
Dahil namimigay sila sa taumbayan sa Ozamiz City at Misamis Occidental ay naging prominent political figures ang mga Parojinog.
Nguni’t nagkamali sila nang kalabanin nila si Pangulong Digong.
“Walang Dute-Duterte dito sa Ozamiz,” sabi ni Mayor Parojinog.
Di niya alam na mas hoodlum pa sa kanya si Digong kaya’t siya at ang kanyang mga tauhan ay tinepok.
Nakahanap ang mga Parojinog ng katapat.