MAY mga OFW tayong higit na nagiging palaisip sa kanilang kinabukasan. Para sa marami, alam nilang hindi sila maaaring maging OFW forever. Wala nga namang forever sa pagiging OFW!
Gayong malaki ang kinikita sa abroad, may matinding kapalit naman ito! Una, ang pansamantalang pagkakahiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay. Minsan pa nga, kapag hindi naging maingat, nagiging permanenteng paghihiwalay ito lalo pa kung nagkaroon ng bagong karelasyon ang sa ibang bansa at nagkaroon ng panibagong pamilya.
Pangalawa, ang labis na kalungkutan na dinaranas dahil sa kanilang pag-iisa. Kaya naman, pinipilit nilang ituon ang kanilang pansin sa ibang mga bagay, tulad ng pagkakaroon ng bagong mga kaibigan o pagsali sa ilang mga Filipino organizations.
Sa mga nag-iisip na wala ngang forever OFW, pinaghahandaan nila at siniseryoso ang mga bagay na ito.
May mga nagpaplano kung ilang mga taon lamang silang mag-aabroad. May ilan naman, bago pa umalis ng Pilipinas, naka-plano na ng mga proyekto na dapat nilang pagkagastusan.
Ang iba, suma-sideline pa at kung anu-ano pang trabaho ang ginagawa bilang karagdagan sa kanilang buwanang kinikita.
Ang ilang ismarte na-ting mga OFW, kahit nasa abroad pa, nakapag-invest na sa Pilipinas bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik at magkaroon ng alternatibong kabuhayan.
Isa na rito ang industriya ng transportasyon. May mga OFW tayong bumili ng mga bagong sasakyan at ikinuha nila iyon ng prankisa upang makapagpasada. Palibhasa’y lumulobo nga naman ang populasyon, malaki talaga ang panga-ngailangan ng tao hinggil sa serbisyong ito.
Isang OFW ang nagpadala ng kaniyang reklamo na nabigyan ng accreditation ng isang transport provider. Binigyan na sila ng permiso na puwede na itong mamasada at kumuha ng pasahero.
Nang mahuli ang driver na pinagmamaneho ng OFW, “impounded” ‘anya ang kaniyang bagong kotse.
Hindi rin sila mabigyan ng kasagutan kung kailan mailalabas ang kanilang sasakyan dahil may isyu pa ‘anya ang transport sector hinggil sa bagay na iyon.
Ang malungkot, ayon pa sa OFW, mula pa noong buwan ng June nang ma-impound ang kaniyang sasakyan. Nahinto ang buwanang kinikita nito, ngunit patuloy pa rin ang kanilang buwanang mga bayarin tulad ng buwanang amortization o hinuhulugan sa bangko.
Hindi naman nila maikakatuwiran na “impounded” ang sasakyan, wala namang kinikita kaya hindi na muna sila magbabayad sa bangko.
Pero malabo naman iyon! Hindi pupuwede iyon! Kaya ang kaawa-awang OFW, sa halip na mag-for-good na, nag-iisip na huwag na munang bumalik.
Naunsiyami tuloy ang pagbabalik ng Pilipinas. Pakiusap niya sa ating pamahalaan, madaliin ang pag-resolba sa usa-ping ito, dahil hindi lamang siya, kundi marami silang apektado ng isyung ito.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com