MARKADO sa loob ng Bureau of Customs ang isang mambabatas dahil sa dami ng kanyang mga transaksyon at rekomendasyon na bigyan ng pwesto sa nasabing ahensya.
Bago pa lumutang ang pag-eendorso ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa isang opisyal ng BOC ay matagal nang kilala roon ang bida sa ating kwento ngayong umaga.
Sinabi ng ating Cricket sa BOC na nagsimulang mamayagpag ang pangalan ni Sir sa naturang tanggapan noong si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo pa ang lider ng bansa.
Isang malapit sa dating pangulo ang sinasabing padrino ni Mr. Congressman kaya para na rin siyang untouchable sa BOC.
Nagpatuloy ang ganoong gawain ni Sir dahil kahit paano ay mahusay siyang makisama.
Marunong naman daw mag-share si Sir kaya mabilis siyang nakakapagpalabas ng mga kargamento.
Pero nabago ito sa pag-upo sa pwesto ni Pangulong Duterte dahil alam ni Cong na seryoso ang pamahalaan sa kampanya kontra sa katiwalian.
Pero sadyang malaki ang pangangailangan ni Sir kaya lately ay muli na naman siyang naging visible sa BOC.
Sinabi ng ating Cricket na pasok sa top 5 list ng mga mambabatas na nakikialam sa BOC ang pangalan ni Sir.
Ito ay base sa listahan umano mismo ni Commisioner Nicanor Faeldon.
Kaya laking kaba umano ng mambabatas nang pumutok ang isyu sa BOC dahil alam niyang malilintikan siya kapag inilabas ang pangalan ng mga mambabatas na may direktang negosyo o nagrerekomenda ng mga tao sa BOC.
Ang mambabatas na ginagamit ang kanyang posisyon para sa mga personal na pabor sa Bureau of Customs ay si Mr. P….as in Patani.