Mayor na dawit sa droga palamig muna sa abroad

DAHIL sa sunud-sunod na pagkamatay ng ilang mga local officials na isinasangkot sa illegal drugs, nagpasyang mag-abroad muna ang isang city mayor na isinasabit rin sa sindikato ng droga.

Sinabi ng ating Cricket na isang sikat na travel and tours agency dito sa Metro Manila ang nag-aasikaso sa mga travel documents ng bida sa ating kwento ngayong umaga.

Nauna nang napasama ang pangalan ng nasabing alkalde sa war on drugs ng pamahalaan kaya ganoon na lang daw ang kanyang kaba nang mapatay ng mga pulis si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog.

Pinayuhan din si Mayor ng kanyang kaanak na sikat na mambabatas na lumabas muna ng bansa dahil baka isunod siya sa mga nakatakdang salakayin ng mga tauhan ng PNP.

Marami sa kanyang mga constituents ang naniniwalang sangkot sa ilegal na droga ang kanilang mayor dahil sa biglang pagyaman nito.

Bukod sa bagong bahay sa kanilang lungsod ay para rin daw laging may car show sa kanilang city hall dahil sa kanyang mga mamahaling sasakyan.

Noong nakalipas na administrasyon ay kilala rin siya bilang high rollers sa mga casino dito sa Metro Manila.

Nagbago lang daw ang kanyang schedule nang pagpunta sa mga sugalan nang masabit na ang kanyang pangalan sa narcolist ng Pangulo.

Sinasabi rin na si Mayor ang lihim na nagpopondo sa ilang mga rally ng kritiko ng administrasyon sa Metro Manila at sa kanilang lungsod sa Visayas region.

Nabisto ang nasabing gawain nang tumawid sa kampo ng administrasyon ang isang kongresista na kanyang kaibigan.

Kung dati ay padrino niya sa kanyang kayabangan ang kaanak na mambabatas, ngayon daw ay ingat na ingat na si Mayor dahil hindi na nila kaalyado ang administrasyon.

Ang city mayor na gusto munang magbakasyon sa abroad dahil sa muling pagbuhay sa anti-drug campaign ng pamahalaan ay si Mr. J…as in Juice.

Read more...