Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
12 n.n. CSB vs LPU
2 p.m. Arellano vs Letran
4 p.m. Perpetual vs SSC
Team Standings: LPU (4-0); San Beda (4-1); JRU (2-2); Arellano (2-2); EAC (2-2); Letran (2-2); SSC (1-2); Perpetual (1-2); CSB (1-2); Mapua (1-3)
PUNTIRYA ng Lyceum of the Philippines University (LPU) na matuhog ang ikalimang sunod na panalo sa pagbabalik ngayong hapon ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Makakasagupa ng Pirates ang College of St. Benilde Blazers umpisa alas-12 ng tanghali bago ang pagtatapat ng Arellano University Chiefs at Letran Knights alas-2 ng hapon.
Ang ikatlong seniors game ngayon ay sa pagitan ng University of Perpetual Help Altas at season host San Sebastian College Stags ganap na alas-4 ng hapon.
Huling tinalo ng Pirates sa pamununo nina CJ Perez, Mer Ayaay at ang kambal na sina Jaycee at Jayvee Marcelino ang Chiefs, 99-65, upang itala ang ikaapat na diretsong panalo upang manatiling solo lider at tanging koponan na walang talo.
Umiskor sina Perez at Ayaay ng 16 at 13 puntos habang nagtulong ang magkapatid na Marcelino sa paglimita kay Arellano hotshot Kent Salado sa 11 puntos habang nagtulong sa pagkolekta ng 21 puntos para iangat ang LPU sa pinakamaganda nitong pagsisimula sa liga.
Inaasahan na muling aatakihin ng LPU ang St. Benilde na patuloy na hinahanap ang pinakauna nitong panalo matapos magsimula sa 1-2 panalo-talong record.
“The championship is there but its not yet within our grasps. What we can do now is try to win as many games as we can and try to get closer to it,” sabi ni LPU coach Topex Robinson.
Pilit naman babawi ang Arellano mula sa nakakadismayang kabiguan sa LPU para mapaangat ang bitbit nitong 2-2 kartada sa pagsagupa sa Letran.
Galing din sa kabiguan ang Knights sa nalasap na 74-81 pagkatalo kontra San Beda Red Lions.
Ang mananalo sa pagitan ng Letran at Arellano ay aangat sa ikatlong puwesto.