ITINANGHAL na grand champion ang 14-year-old na si Jona Soquite mula sa Team Sarah matapos ang finals night ng kauna-unahang The Voice Teens Philippines sa ABS-CBN.
Iyak nang iyak si Jona nang tawagin ang kanyang pangalan bilang winner ng first ever The Voice Teens. Hindi raw niya in-expect na siya ang magwawagi.
“Noon po sinasabi nila, nababasa ko sa comments na ayaw nila ako sa competition na ito pero sa nakita ko po ngayon, halos kalahati po ‘yung naniwala sa akin. Sobrang saya ko po na naipakita ko po sa kanila ang tunay na Jona,” ani Jona sa panayam ng ABS-CBN.
Si Jona ang nakakuha ng pinakamataas na boto mula sa publiko with 44.78%, na sinundan ni Isabela Vinzon (22.42%), Mica Becerro (17.79%) at Jeremy Glinoga (15.01%). Bukod sa house and lot, nakapag-uwi rin si Jona ng P1 million cash, recording and management contract at business package.
Nang tanungin kung ano ang gagawin niya sa mga napanalunan niya, “Ibibigay ko po sa pamilya ko, lalo na po ‘yung bahay na talagang pinakaimportante po sa amin dahil delikado sa tinitirahan namin ngayon dahil nasa tabi po kami ng ilog. Thank you talaga kay Lord na ako yung pinagkalooban niya ng ganitong title.”
Samantala, abot-langit din ang kaligayahan siyempre ng coach ni Jona na si Sarah, “Hindi ko dine-deserve. I feel so blessed! Napakagandang birthday gift, sobra sobra!” ang pahayag ng Pop Princess who turned 29 last July 25.
Ibinalita naman ni Sarah na very soon ay sisimulan na rin ang bago niyang project, “Gagawa po ako ulit ng isa pang movie, abangan niyo po iyan, ‘yung Filipino adaptation ng Korean film na ‘Miss Granny.’”
At siyempre, umaasa pa rin ang dalaga na darating din ang tamang panahon na magkakasama rin sila ni Daniel Padilla sa isang pelikula, “Gusto ko talaga makatrabaho si DJ kahit magkapatid lang kami, okay na ako. Sobra kong ina-admire ‘yung batang iyon. Grabe ‘yung lakas ng dating niya. Nakikitaan ko din na mahusay na aktor. Naririnig ko rin na mabuting bata so bakit hindi.”