Ibubuking ni Aquino

LAGING namimihaghati, di nalulupig. Naibubuwal, di naigugupo. Ito ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (2 Cor 4:7-15; Slm 126:1bk-2ab, 2kd-3, 4-5, 6; Mt 20:20-28) sa kapistahan ni Apostol Santiago.

Ang Pagninilay ay tuwirang ugnay din sa salita ni Apostol Pablo: ikaw ay malakas kung kelan ka mahina. Pagkatapos ng anim na taon panlulupig sa mahihirap ni Aquino, bumangon ang taumbayan nang ipaglaban ni Duterte. Ngayong nakatindig na, sinermonan (SONA) ni Duterte ang mga latak ni Aquino, na nasa gobyerno pa kaya di makausad ang buhay.

Pauunlakan ko si Baguis (…5653) ng Norhaya Village, Marawi City: Sanlinggo pagkatapos ng aking SONA, itatalaga ko si Aquino bilang kalihim ng DILG. Ibubunyag ni Aquino ang mga drug lord na mayor at governor. Pupunuin niya ang parade/parking ng Crame ng mga pulis, opisyal man o hindi, na sangkot sa droga, para di na manghula si Digong. Kapalit: di na kakasuhan si Aquino sa Mama Paano. Ang problema, hindi ako Duterte.

Ilang kolumnista sa Cebu, at maraming kolumnista sa Mindanao, ang kaisa ko sa pag-iisip na dapat pairalin ang martial law sa Min sa buong termino ni Digong. Sa debate ng dalawang Kapulungan, nagkaisa ang mga Muslim brothers at sisters na labanan ang extremism ng kanilang paniniwala. Inihayag nila ang saloobin sa malinaw na Tagalog. Sa labas ng Kapulungan, sina Kabalu at Mangudadatu lamang ang tuwid managalog.

Teka. Masyadong nalulunod ang media sa Muslim extremists. Matindi rin naman ang “damong” pumapatay sa “mabuting binhi.” Di nga lang sila pandaigdigan ngayon dahil mas laos pa sa bell bottom at gabardine ang komunismo. Ako at si Weng Salvacion ay may kuwento-personal kung paano takutin at agawin ng NPA ang pagkaing isusubo na lang ng mahihirap at magsasaka sa Marinduque.

Karaniwang burol ng mga adik/tulak at siga sa North Caloocan: walang nakikipaglamay, walang nagbibigay ng pera (abuloy), walang nagbibigay ng kape’t tinapay, wala ring nag-aabot ng sigarilyo. Wala ring dumadalaw na pari o layko, bagaman kabilang ang pagdalaw sa patay sa corporal works of mercy.

“Jail or hell” ang sabi ni Digong sa mga drogista. Di ko naintindihan ito dahil nakamasid ako sa diplomatic corps. Ang jail ay hindi hell sa kanilang bansa. Solo o dalawa lang sa selda ang preso na mabigat ang kaso, o droga, di tulad sa Pinas na tagilid ang tulog, nakaharap sa likod ng ulo ng katabi at nakatiklop ang tuhod para magkasya sa malamig na baldosa. Magsintunog ang jail at hell, pero sa Europa, ang jail ay rehab-reformation, masarap ang pagkain, may gym at sunning (sports) area.

Pagkatapos ng masaker, walang huli sa droga sa tatlong lugar sa Bulacan (nakalulungkot na ang mga ito’y marami ang namamayan na cerrado Catolico). Pero, may mga hindi na raw umuwi ng bahay. Wala namang nag-uulat ng “missing person(s).” Ah, baka sumakabilang bayan lang at hindi pa sumakabilang-buhay.

Muling napatunayan na mas dumami ang anay sa MMDA, at sila’y nasa kalye araw-gabi, dahil hindi sila takot kay Kudeta Heneral Danilo Lim. Mula sa towing hanggang sa maniniket. Matagal ko nang nakita ang walang kakayahan nina Lim at Tim Orbos, lalo na sa trapiko. Sinuwerte nga lang ang mga ito dahil malapit (o baka pumasok) sila sa kusina. At taumbayan pa ang nagpapasuweldo sa mga walang silbi. Sayang ang pera, parang bata na ibinili ng lobo.

PANALANGIN: Para sa mga nagdurusa, Panginoon, bigyan Mo sila ng katahimikan at pahinga sa kanilang dinadala. Fr. Mar Ladra, healing priest, Diocese of Malolos.

MULA sa bayan (0916-5401958): Salamat Pres Digong sa martial law. Pero bakit hindi hinuhuli ang mga IS dito? Di naman kami makapagsumbong kay Pacman. All lines are busy now. …9092 Barangay Dadiangas North, General Santos City

Edcel Lagman, pumunta ka rito sa Barangay Bading, Butuan City. Wala kang alam sa Mindanao kaya tumahimik ka na lang. Kayong media, bayad na ba? …1129

Read more...