BINIGYAN ng one-on-one lecture ng isang mambabatas ang isang opisyal ng gobyerno sa kung paanong sumagot ng tama sa isang congressional probe na hindi ipinapahamak ang kanilang boss.
Malinaw na pinatutungkulan dito bilang Boss ay walang iba kundi si Pangulong Duterte.
Sa isang imbestigasyon sa Senado ay napiga nang husto ang isang opisyal ng pamahalaan.
Muli kasing nalagay sa limelight ang isang tauhan nito na kamakailan lang ay nasa balita na rin dahil sa pagkakasangkot sa isang malaking iskandalo kaugnay sa war on drugs ng gobyerno.
Sa Senate investigation ay walang kagatol-gatol na inamin ng opisyal na pinakialaman ng pangulo ang kanyang trabaho kaya balik sa pwesto ang isang lokong opisyal.
Sinabi ng ating Cricket na pati ang ilang opisyal ng ahensiyang pinamumunuan ni Sir ay muntik malaglag sa kanilang upuan dahil ininguso nito mismo ang pangulo.
Sa break ng nasabing hearing ay kaagad siyang nilapitan ng senador na mahusay sa paghawak ng mga argumento.
Sinabi ng mambabatas na dapat ay sinalo ng opisyal ang lahat ng pananagutan at binigyan ng proteksyon ang tangggapan ng pangulo.
Sinabi ng ating Cricket na halatang hindi napag-isipan ng opisyal ang kanyang sagot sa mga mambabatas dahil napakamot ito sa kanyang malapad na noo.
Pinangaralan siya ng mambabatas na dapat ay maging maingat ito sa kanyang mga sagot sa mga tanong.
Pinagsabihan rin siya na dapat ay kalkulado ang kanyang paghawak sa mga tauhan para hindi siya mapagbintangang natutulog lang sa pansitan.
Ang opisyal na nakatikim ng pangaral at tips na rin sa kung paanong pamunuan nang maayos ang kanyang tanggapan ay si Mr. R….as in Rock.
Ang senador na nanggigigil pero kahit paano ay nagmamalasakit kay Mr. R ay si Sen. R…..as in Reach.