Trabaho para sa mga taga Marawi

MAY naghihintay na trabaho para sa taga- Marawi .

Ito ay makaraang na magtakda ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng emergency employment assistance sa mga lugar at lungsod na apektado ng tunggalian sa pagitan ng pamahalaan at rebeldeng grupo.

Sa pamamagitan ng programang Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/ Displaced (TUPAD) workers, mabilis na matutugunan ng DOLE ang kawalan ng trabaho at kita ng mga residente ng Marawi at mga kalapit na lugar.

May nakalaang P30 milyong emergency employment assistance sa mga lugar na mayroong kaguluhan at tunggalian.

Sakop ng nasabing proyekto ang mga lugar sa Lanao Del Norte, Iligan at Cagayan De Oro kung saan ang nag-evacuate ang mga pamilya mula sa Marawi City.

Ang mga manggagawang benepisyaryo ng TUPAD ay mabibigyan ng pansamantalang trabaho at makatatanggap ng P338.00 kada araw sa loob ng 30 araw na pagtatrabaho at pagbibigay serbisyo.

Batay sa ulat ng DOLE Regional Office X, ang Marawi City ay mayroong working population na 201,875.

Ilan sa mga pinagkukunan ng kita ng mga residente ay mula sa sektor ng agrikultura, pakikipagkalakalan at export.

Ang mga residente rin ay nagkakaroon ng kita sa pamamagitan ng pagsasaka ng bigas at mais, pananahi ng Malong, wood carving, hollow blocks manufacturing, saw milling, at pangingisda.

Ang mga benepisyaryo ay naatasang tumulong sa mga proyekto para sa komunidad at sa agro-forestry.

May kabuuang 875 na manggagawa ang manggagaling sa Iligan City, habang sa Lanao Del Norte naman, 900 ang magmumula sa Balo-I; 200 sa Kauswagan; 200 sa Kolambugan; Bacolod na may 100 benepisyaryo; Linamon na may 75; at Maigo na may 50 manggagawa.

Sa kabilang dako, ang bayan naman ng Cagayan De Oro ay mayroong 540 na manggagawa na makatatanggap ng tulong mula sa emergency employment assistance

Labor Communications Office
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...