Feelingerang personalidad umepal hanggang SONA

GUMAWA ng eksena sa katatapos na State of the Nation Address (SONA) ang isang personalidad na nangangarap magkaroon ng pwesto sa administrasyon.

Sinabi ng aking Cricket sa Batasan Complex na maaga pa lamang ay parang pusang galang paikot-ikot sa Kongreso ang ating bida.

Naghahanap siya ng matatambayan at mapu-pwestuhan para kaagad siyang makakalapit pagdating ni Pangulong Dutete.

Sa pagtatanong ng ating Cricket sa ilang malapit sa nasabing personalidad, gusto raw nitong makatiyak na makakasungkit na siya ng pwesto sa pamahalaan.

Ito’y makaraang maunsyami ang ambisyon niyang hawakan ang liderato ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Tatlong buwan na ang nakalilipas ay nagpatahi pa ng kanyang mga office uniforms ang ating bida hoping na tuloy na ang pagpasok nya sa PCSO pero ito’y naunsyami lang.

Pumalag daw kasi ang ilang mga nakapaligid sa Pangulo kasabay ng babalang walang madadalang kaayusan sa administrasyon ang bida sa ating kwento ngayong araw na ito.

Bukod sa involvement niya sa ilang mga ilegal na gawain tulad ng sugal ay kilala rin itong gumagamit ng impluwensiya sa tuwing may nakakaaway kahit na sa social media.

Pero nitong Lunes ay hindi na niya pinalampas ang pagkakataon.

Kasama ang ilang kaibigan ay sinabi niyang sasabayan niya ang Pangulo sa pagpasok sa holding area bago ang pagpunta nito sa plenary hall para sa SONA.

Dahil may sinusunod na protocol ay hindi ito nagawa ni lady personality dahil hinarang siya ng mga tauhan ng PSG.

Kinagabihan na niya nakausap ang Pangulo makaraang humarap sa mga militanteng grupo ang chief executive.

Ang ating bida rin ang itinuturong dahilan kaya late nang nagsimula ang presscon sa Batasan Complex makaraan niyang harangin si Digong.

Ang bida sa ating kwento na hanggang ngayon ay humihingi ng posisyon sa Pangulo ay Madam S….as in Sunlight.

Read more...