Pinay OFW lasing na, nanapak pa!

LEVEL up na yata ang mga kababaihan natin.

Nasentensiyahan ng dalawang linggong pagkakulong ang isang OFW sa Singapore matapos itong ireklamo ng isang taxi driver doon na hinampas ng naturang Pinay.

Lasing nang sumakay ng kanyang taxi ang OFW. Nag-aalala ang driver na baka sumuka ang kanyang pasahero kung kaya’t binigyan niya ito ng plastic na susukahan.

At talagang sumuka nga! Kaso nagkalat sa lapag ng kotse ang naturang suka! Nakiusap ang driver na bayaran na lamang niya ang pagpapalinis ng kaniyang dumi.

Pumayag si kabayan. Pag dating sa kanyang destinasyon, hindi ito tumupad sa kanilang usapan. Kulang pa nga ang ibinayad niyang pamasahe.

Sa puntong iyon, naisipan ng driver na kunan siya ng litrato gamit ang mobile phone niya. Doon siya hinampas ng Pinay. Inawat na lamang sila ng mga tao sa paligid na nakakita sa naturang insidente.

Nagreklamo ang taxi driver at ipinakita nito sa korte ang kuha sa CCTV ng naturang gusali na naghintay siya at pabalik-balik pa nga para sa sa kulang na ibinayad ng Pinay pati na ang kasunduang kabayaran sa pagpapalinis ng kanyang sinukahan.

Inamin naman ng Pinay ang kanyang krimen at nahatulan ito ng dalawang linggong pagkabilanggo. Pinagmulta din siya ng 500 SD o katumbas na P18,000 dahil sa di pagbabayad nang tama.

Kakaiba na nga ang mga babaing OFW natin. Nagkakaroon na rin sila ng mga dibersiyon at natututong mag-bisyo pagdating sa abroad. At ang matindi pa, nagiging mga bayolente na rin sila.

Minsan, nababago na nga ang mabubuting pag-uugali ng ating mga kababayan kapag nakalabas ng bansa. Ang dating mahiyain, kimi at halos hindi makabasag-pinggan, tila yata pinapasukan na ng kakaibang espirito. Nagiging mapusok na ang mga ito.

Maraming mga kaso ang kinakaharap ngayon ng ating mga OFW lalo pa ng mga babaing OFW ang pagkakasangkot sa samu’t-saring krimen tulad ng pagnanakaw sa kanilang mga employer, pang-uumit sa mga supermarket, pagsusugal, paglalasing pati na ang pananakit ng kapwa.

Mga kasong puwede naman sanang maiwasan. Hindi kasi puwedeng ipalusot ng OFW na pawang aksidente ang mga iyon. Hindi maaaring hindi sinasadya ang mga bagay na ito.

Conscious o alam niya ang kaniyang ginagawa. Ang katotohanan, gusto niya ang ginagawa niya, ngunit huli na para maisip niya ang mga implikasyon ng kaniyang negatibong paggawi.

Nakalulungkot na nasasangkot ang ating mga OFW sa ganitong mga kaso ngayon. Nagbabago na nga ang daigdig. Papasama nang papasama ang mundo pati na rin ang mga naninirahan dito.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...