LIMANG kabataang Pilipino ang nakatakdang tumungo sa Bali, Indonesia para lumahok sa 2017 Allianz Junior Football Camp.
Ipinakilala kahapon nina Allianz PNB Life brand director Rei Abrazaldo at chief market management officer Gae Martinez sa isang pulong pambalitaan sa Museum Cafe sa Makati City sina Aeron Christian Tenollar ng Baguio City, Konrad Sollorin ng Iloilo at Jan Meir Mitra ng La Salle Zobel na pawang may edad 14 anyos bilang mga kinatawan ng bansa sa naturang football camp.
Ang dalawang iba pa na sina Archie de la Cruz at Michael Antillo ng Tuloy sa Don Bosco Foundation ay hindi nakarating sa naturang press conference.
Kasama ring ipinakilala ang coach ng delegasyon na si Jess Landagan na isang dating palaboy sa kalye na nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil sa paglalaro ng football sa Don Bosco at University of Santo Tomas.
Ang football camp sa Bali ay magbubukas sa Lunes, Hulyo 31, at magtatapos sa Agosto 4.
Mula sa Bali, dalawa sa limang Pinoy na ito ay magkakaroon ng pagkakataong magsanay sa Munich sa ilalim ng mga FC Bayern coaches.
Ang limang kinatawan ng bansa ay napili pagkatapos ng National Youth Futsal Cup (NYFC) na inorganisa ng Allianz PNB Life noong Mayo 6 sa pakikipagtulungan sa Philippine Football Federation (PFF) at ng Henry V. Moran Foundation.
Kabilang sa mga pumili ay mga miyembro ng PFF kasama si Philippine National football player Danny Moran base sa kanilang “performance, technique, physique, at decision-making capabilities.”