IPINAGHIGANTI ni Pa-ngulong Digong sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kahapon si dating Environment Secretary Gina Lopez nang batikusin niya ang mining companies dahil sa pagsira nito ng kalikasan.
Ang kampanya ni Gina laban sa mga mining companies na sumisira ng kalikasan ang naging dahilan kung bakit hindi inaprubahan ng Commission on Appointments (CA) ang paghirang sa kanya bilang pinuno ng DENR.
Pinasaringan din ni Digong ang CA sa hindi nito pag-apruba kay Gina.
Marami sa mga CA members—senador at kongresista—ay may interests sa mining o may mga kamag-anak o kaibigan sa mining industry.
Isa sa mga Cabinet members na nandoon sa SONA ay maaaring umiikot ang puwit habang binabatikos ni Digong ang mga mining companies.
Itong si Mr. Secretary kasi ay tumestigo laban kay Gina sa kanyang CA confirmation hearing.
Si Mr. Secretary ay bayaw ng may-ari ng isang mining company.
Isang kongresista sa Metro Manila ay ganoon din siguro ang naramdaman nang binabanatan ni Digong ang mining.
Si Mr. Congressman, na hindi na nahiyang lumantad sa pag-oppose sa appointment ni Gina, ay may kapatid na may-ari din ng mining company.
***
Bago tinapos ni Digong ang kanyang SONA, binalaan niya ang mga miyembro ng Gabinete at mga bureau directors na huwag magbulakbol at ibabad ang kanilang sarili sa trabaho.
Maaaring pasaring ito sa isang Gabinete na marami nang biyahe ang ginawa sa ibang bansa pero di naman kailangan dahil wala namang kinalaman ang kanyang trabaho sa mga biyahe.
Ang Cabinet official na ito ay nag-appoint ng kanyang mga kamag-anak bilang ghost employees at ang kanyang maybahay ang nagpapatakbo raw ng opisina niya.
Inapoint din daw ni Mr. Secretary ang kanyang kabit bilang regional director.
***
Ngayong araw na ito sisimulan ng Kamara de Representante ang imbestigasyon tungkol sa sweetheart deal na binigay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Del Monte Corp., isang multinational.
Pinabayad lang daw ni BIR Commissioner Caesar Dulay ang Del Monte ng halagang P50 milyon samantalang ang utang na buwis nito ay P80 bilyon.
Ipinatawag ng Kamara si Deputy Commissioner for Legal Services na si Clint Aranas.
Ibubunyag daw ni Aranas ang isang Cabinet official na siyang naging dahilan ng sweetheart deal.
Maaaring nanginginig na ang tumbong ni Mr. Secretary dahil alam niya ang sasabihin ni Aranas sa Kamara.
***
Sinabi ng Pangulo sa SONA na ang gera kontra droga ay patuloy na magi-ging “unremitting” at “unrelenting.”
In other words, walang awa na isasagawa ang pagligpit sa mga sangkot sa illegal drug trade.
Sinabi ni Digong na “the gates of hell” ay naghihintay sa mga taong patuloy maging pushers, dealers at drug lords.
Kung gayon ano pang ginagawa ng pangulo kina Catanduanes Gov. Joseph Cua at Virac Mayor Samuel Laynes na diumano’y mga manufacturers ng shabu sa kanilang probinsiya.
***
Kung totoo ang paratang kina Cua at Laynes, na pinatutunayan ng mga records sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), eh masahol pa sila kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at kanyang anak na si Kerwin.
Ang mga Espinosa ay mga distributor lamang ng shabu sa Eastern Visayas samantalang ang mga ito ay meron umanong factory.
Garapalang pinatay ng mga pulis si Espinosa sa kanyang selda sa Leyte Regional Jail sa Baybay, Southern Leyte na na binatikos ng ilang mga senador at kongresista.
Kinatigan naman ng Pangulo ang mga pulis na pumatay kay Espinosa.
Pero sina Cua at Laynes ay hindi pa nakukulong.
Bakit?
***
Dapat purihin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsolba sa pagnanakaw ng P2.5 bilyon ng pera ng ilang depositors sa Metrobank.
Inaresto ng NBI si Maria Victoria Lopez, isa sa mga vice presidents ng Metrobank.
Na-trace ng NBI ang pagtransfer ni Lopez ng pera sa mga fictitious accounts.
And yet, ayaw magpa-interview ni NBI Director Dante Gierran sa media kahit na dapat ay ipagmalaki niya ang nagawa ng kanyang mga tauhan.
Low-key kasi itong si Gierran na isang abogado at certified public accountant .
“Trabaho lang, bai,” sabi ni Gierran sa inyong lingkod.
Ibang-iba siya kay Director General Roland “Bato” dela Rosa, chief ng Philippine National Police (PNP).
Si Bato ay madaldal kahit walang masyadongnagagawa.