ISANG malaking teleserye na ang nagaganap na pagdinig ng Kamara ukol sa kuwestiyunable umanong paggastos ng Ilocos Norte sa excise tax ng tabako.
Gaya ng mga highly-rated soap opera sa TV na hitik sa mga cliffhanger, marami ang naghihintay sa mga magiging kaganapan sa mga bida at pabida sa kwentong ito sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayong araw.
Haharap na kaya si Gov. Imee Marcos para sagutin ang mga paratang sa kanya? May mga sikreto kayang mabubunyag sakaling su-mipot siya? May bitbit ba siyang pasabog na yayanig sa kanyang mga kaaway? O gaya ng mga inaaping karakter, makukulong kaya siya tulad ng banta ng kanyang mga kontrabida?
At gaya rin ng mga drama series na kinaaliwan ng mga Pinoy, may mga ilang eksena sa “dramarama sa Kamara” na talaga namang ikatataas ng kilay o ikangi-ngitngit ng mga manonood at tagamasid.
Example? Ang saga ng mga nawawalang orihinal na dokumento na nagdedetalye ng paggastos ng Ilocos Norte sa pondo ng excise tax.
Matatandaan na noong Mayo 29 ay na-cite for contempt at ikinulong ang anim na empleyado ng provincial government dahil sa hindi umano pagsagot sa tanong ng mga mambabatas.
Pero lumabas na gusto lamang palang makita ng mga empleyado, na tinaguriang “Ilocos Six,” ang mga orihinal na dokumento bago mag-testify para nga naman hindi sila maakusahang nagsisinu-ngaling sa pagbibigay ng statement sa mga posibleng pinekeng xerox na papeles.
Dahil photocopy nga lang ang kanyang hawak noon at hindi mahagilap ang orihinal na dokumento, nagpahaging si Ilocos Norte 1st district Rep. Rodolfo Fariñas, ang siyang umuusig kay Marcos at nagpasimula ng pagdinig, na ang mismong mga empleyado ang nakawala ng dokumento.
Emote ng kampo ni Marcos, nai-turn over nila ang papeles sa Commission on Audit sa kapitolyo, pero nawala ito at umamin naman ang COA na ito ang nakawala.
Ang bago sa kwento: Kinuha pala ng isang kawani sa nasabing tanggapan ang mga dokumento sa utos ng manugang niyang si Cynthia Gorospe na tauhan at coordinator ni Fariñas!
Sa kanyang linya, este sinumpaang affidavit, sinabi ni Pedro M. Gorospe Jr., janitor at messenger na,
“Nautusan ako ni Ma’am Cynthia Gorospe na ipa-Xerox ang mga dokumento ng COA na sa aking pagkaalam ay vouchers na tatlo ang bilang. Kasama nito ay ‘yung mga tseke.”
Kaya naman hindi mapigilan ni Imee na magda-dialogue nang mahaba-haba nang malaman ang twist.
“Itinatanong din sa ‘kin, ‘bakit daw nawala?’ Bakit hindi masumpaan ng Ilocos Six ‘yung mga tseke na winawagayway? Bakit wala na yung original? Pero biglang sumulpot ang sinumpaang salaysay.
Nagtapat [si Gorospe] na ipinadukot sa kanya (ang mga dokumento) ng kanyang manugang. Dinukot noong 2013… Eh ‘di alam na natin kung sino’ng dumukot noon. Papaano ko mapo-produce ang original,” sabi niya.
Saan na nga ba hahantong ang kwentong ito?
E di abangan ngayong araw sa inyong paboritong channel ang susunod na kabanata!