PINAPABORAN ang NLEX Road Warriors kontra sa Kia Picanto sa kanilang pagkikita sa PBA Governors Cup.
Well, its been a while since the Road Warriors were favored to win a game!
Kasi nga sa season na ito ay nangulelat sila sa unang dalawang conferences. Minalas nang husto ang tropa ni coach Joseller “Yeng” Guiao na tila hindi kaagad nasanay sa sistema ng kanilang bagong coach.
Pero sa pagtatapos ng nakaraang Commissioner’s Cup ay tila nagbago ang lahat at biglang umaliwalas ang langit at naging mabilis ang trapiko sa daan tungong norte at kung saan-saan pa para sa Road Warriors.
Napanalunan nila ang kanilang huling dalawang laro upang wakasan ang 11-game losing skid at nagtapos ng may 2-9 record.
Kulelat pa rin.
Pero okay lang dahil nanalo nga sila. Natapos nila ang Commissioner’s Cup on a positive note.
At bago nga natapos ang Commissioner’s Cup ay nagsagawa ng mga pagbabago sa kanyang lineup si Guiao nang makuha niya ang mga beteranong sina Larry Fonacier at JR Quinahan. Mga dating manlalaro ni Guiao ang dalawang ito.
Si Guiao ang kumuha kay Fonacier sa draft para sa Batang Red Bull at nagwagi ito ng Rookie of the Year award. Buhat sa Red Bull ay nalipat siya sa Alaska Milk at pagkatapos ay sa TNT KaTropa.
Si Quinahan ay dating manlalaro ni Guiao sa Rain Or Shine at naging bahagi ng dalawang kampeonatong napanalunan ng Elasto Painters.
So, kabisado na ni Guiao ang dalawang ito at alam kung ano ang puwede nilang ibigay sa NLEX.
At noon ngang Miyerkules, sa pagbubukas ng Governors Cup ay nairehistro kaagad ng Road Warriors ang kanilang unang panalo nang padapain nila ang Alaska Aces, 112-104.
Kailan ba huling nanalo ng first game ang Road Warriors? Parang hindi na natin matandaan.
So, good start!
At nagparada ng mahusay na import si Guiao sa katauhan ni Aaron Fuller na gumawa ng 30 puntos at 20 rebounds bukod pa sa tatlong blocks at tatlong steals.
Nakatulong niya sina Kevin Alas at Juami Tiongson. Si Alas ay nagtapos ng may 20 puntos, walong
rebounds at apat na assists sa 29 minuto samantalang si Tiongson ay nagdagdag ng 13 puntos, limang
rebounds at isang assist sa 18 minuto.
Si Quinahan ay gumawa ng siyam na puntos samantalang si Fonacier ay nagdagdag ng isang three-point shot. Pero alam ni Guiao na gaganda pa ang laro ni Fonacier dahil kagagaling lang nito sa injury.
At halos lahat ng ginamit ni Guiao tulad nina Jansen Rios at Raul Soyud ay napakinabangan niya. Ang beteranong si Paul Asi Taulava ay nag-ambag ng walong puntos sa limited minutes bilang karelyebo ni Fuller.
So, ngayon ay nakatuon ang pansin ng NLEX sa pagpapalawig na kanilang winning streak at pagpasok sa quarterfinal round sa unang pagkakataon sa ilalim ni Guiao.
Pero siyempre, hindi lang quarterfinals ang target nila. Mas malayo pa dun ang nais nilang marating.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.