MAY ulat na pinapaboran daw ni Pangulong Digong si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Caesar Dulay sa hidwaan nito kay BIR Deputy Commissioner for Legal Affairs Clint Aranas.
Ang pinagmulan ng away nina Dulay at Aranas ay ang diumano’y pagbibigay ng sweetheart deal ng BIR sa multinational Del Monte Corp. na nagkakautang ng P80 bilyon sa gobyerno pero pinagbayad lang daw ng P100 milyon.
Hindi kapani-paniwala ang ulat dahil galit si Digong sa corruption at palagi niyang sinasabi na wala siyang sasantuhin kahit na kaibigan niya kapag gumawa ng kabalbalan.
Maaaring ang ulat ay gawa-gawa lang ng mga spin-doctors.
Inaakusahan kasi ni Aranas si Dulay ng corruption.
Bakit papanigan ni Presidente si Dulay kahit na wala pang resulta ng imbestigasyon tungkol sa paratang ni Aranas?
Kung totoo itong sinasabi ni Aranas, tiyak na sisibakin ni Digong si Dulay gaya ng pagsibak niya kay Peter Lavina bilang administrator ng National Irrigation Authority (NIA) at Interior and Local Government Secretary Mike Sueno dahil sa isyu ng corruption.
Si Lavina ay spokesman ni Digong noong kampanya at si Sueno, na dating governor ng South Cotabato, ay matagal niyang kaibigan.
Kung sina Lavina at Sueno, na madikit kay Presidente ay sinipa dahil sa corruption, si Dulay pa kaya kung mapatutunayan na hinayaan niya na malugi ang gobyerno ng bilyon-bilyong pisong buwis?
***
Maaaring sinasandalan ni Dulay ang dati nilang samahan ni Digong noong sila’y mga nasa early 20’s pa.
Magkasama sila sa kuwarto sa YMCA dormitory noong sila’y nag-aaral pa ng abogasya sa Maynila.
Si Dulay ay isang ordinaryong abogado nang siya’y inanyayahan ni Digong na maging BIR commissioner.
Si Aranas naman ay isang magaling na tax lawyer, who had a thriving law practice defending big clients in big tax cases, nang hinikayat siya ni Digong na sumama sa Duterte administration.
Ngayon, dear readers, sino ang papanigan ni Digong sa dalawa: Si Dulay o Aranas?
By the way, magsisimula ang isang congressional investigation sa Martes tungkol sa paratang ni Aranas sa kanyang boss na si Dulay.
Ilalabas daw ni Aranas ang mga dokumento na magpapatunay na maraming kabulastugang nangyayari sa BIR.
Marami raw na idadamay si Aranas, kasama na ang isang mataas na opisyal sa Department of Finance.
Abangan ang susunod na kabanata!
***
Lingid sa sinasabi ng Armed Forces of the Philippines, ang sitwasyon sa Marawi City ay lalala pa bago ito bumuti.
Pumunta si Presidente sa Marawi City kahit na pinipigilan ito ng kanyang mga security, at nakita niya ang tunay na sitwasyon sa Marawi.
“Kung panahon ko na, panahon ko na. Di ko puwedeng iwanan ang aking mga sundalo. Kailangang makasama ko sila. Hindi ako pupunta sa Marawi kapag tapos na ang gulo. Dapat ipakita ko ang aking mukha sa mga sundalo,” sabi pa ni Digong bago sumakay sa helicopter na naghatid sa kanya sa Marawi.
Hindi makalabas ng Camp Ranao si Digong dahil masyadong mapa-nganib.
Taliwas sa sinasabi ng militar na ang mga terorista sa Marawi ay mahigit isang daan na lang, marami pang mga armadong kalalakihan ang lumalaban sa government troops sa Marawi.
Hindi ba ninyo napapansin na walang able-bodied na kalalakihan sa mga Muslim evacuees na galing ng Marawi sa mga evacuation centers sa Iligan City at iba pang lugar?
Bakit? Dahil ang mga Maranaw na lalaki ay sumama sa mga terorista.
Ang mga armadong Maute sympathizers na mga Maranaw ay dapat hindi makalabas sa Marawi City dahil maghahasik sila ng lagim sa ibang parte ng bansa.
They should be confined in Marawi.
Therefore, dapat pahabain pa ng Kongreso ang martial law sa Mindanao.
Ang martial law ay malapit nang mag-expire.