ITINAAS ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang halaga ng tulong pangkabuhayan na ibinibigay para sa mga napauwing overseas Filipino workers (OFWs),
Inaprubahan na ng OWWA board na itaas mula sa P10,000 hanggang P20,000 ang mas pinalawak na livelihood assistance o mas kilala bilang “Balik Pinas, Balik Hanapbuhay” na programa para sa mga OFW na napauwi sa bansa. Si Bello ang tumatayong chairman ng OWWA board.
Ang programang ito ay tumutulong sa ating mga bagong bayani upang maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay dito sa bansa .
Sa ilalim ng programa, ang mga benepisyaryo ay binibigyan ng pagkakataon na sanayin ang kanilang mga kakayahan sa tulong ng TESDA, ng Department of Trade and Industry at iba pang ahensya.
Sa simula, ang programa ay isang non-cash livelihood assistance package na ibinibigay sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng entrepreneurial training at paggagawad ng ‘starter kit’ na nagkakahalaga ng P10,000.00. Subalit upang mapabilis ang proseso ng OFW reintegration, ang tulong pangkabuhayan ay ginawang cash assistance kung saan nakapaloob na rin dito ang entrepreneurship development training upang malinang ang kasanayan sa pamamahala ng negosyo ng mga benepisyaryong OFW.
Liban sa cash assistance, ang OWWA rin ay tinutulungan na makipag-ugnayan ang mga benepisyaryo sa DTI at Department of Agriculture (DA) upang malinang ang kanilang kasanayan sa marketing at mga istratehiya upang mapangalagaan at mapalago pa ang naibigay sa kanilang tulong pangkabuhayan.
Ang programa ay para sa mga nagbalik at napauwing miyembro ng OWWA, aktibo man o hindi at nawalan ng trabaho dahil sa kaguluhan, o digmaan at iba pang mapanganib na sitwasyon sa kanilang pinagtatrabahuhang bansa; mga biktima ng illegal recruitment o human trafficking o iba pang kahalintulad na sitwasyon; at mga miyembro ng OWWA na mayroong mga dayuhang amo subalit nagkaroon ng problema sa pananalapi at kapital.
Ang mga kuwalipikadong OFW na mayroong katanungan hinggil sa programa ay hinihikayat na mag-log-on sa OWWA website sa www.owwa.gov.ph, o tumawag sa 8917601 hanggang 24, local 5217; o sa OWWA OPCEN sa pamamagitan ng telephone numbers 833-6992 o sa mobile number/SMS 09175908654.
OWWA
Administrator
Hans Leo Cacdac
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.