12-31ML; di 5ML?

HINDI kapayapaan ang dala Ko kundi tabak. Sa salita ni Jesus hinugot ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Ex 1:8-14, 22; Slm 124; Mt 10:34—11:1) sa Lunes sa ika-15 linggo ng karaniwang panahon.

Ito na nga ba ang parusa (paniningil) sa mga makasalanan at paraan para humingi sila ng awa sa langit; o ito rin ang puerto impiyerno? Ang parusang langit ay kinabibilangan ng digmaan at kalamidad para yugyugin ang sandaigdigan na naligaw ng landas. Ito rin ang katarungan at awa sa daan ng Fatima.

Nakamasid ang sandaigdigang teroristang ISIS sa Mindanao. Bilyones na ang nagasta (at patuloy na gumagasta) ng gobyerno, bukod sa parami nang parami ang nalalagas na sundalo’t pulis. Baka humantong na said na ang pera at wala na ring hukbong isasabak sa kaaway. Nakita ni Digong na di hihinto ang ISIS hangga’t di nagiging wilayat ang Mindanao; at caliphate ang buong bansa.

May kilala akong mga Maranao at sila’y madasalin. Ang isa’y naging scholar ni Marcos noon sa abogasya, hanggang naging hukom sa Cotabato City. Kilala rin siya ni Tingting Cojuangco, na ikinuwento pa niya nang dumalaw noon sa Bandera. Bago pumutok ang gera, di gagalawin ng karaniwang Maranao ang Maute; baka suklian siya ng rido.

Ang tunay na Maranao ay di maingay at nagmamasid lamang. Kabaligtaran ng mga mambabatas na Kristiyano. Para sa akin, ang martial law sa Mindanao ay dapat isagad sa termino ni Digong. Ibig kong malipol ang terorista’t komunista sa Mindanao. Nais kong dumating ang umaga na ang Sulu ay parang Valenzuela City sa Metro Manila; at ang Basilan ay parang Cebu sa pag-unlad.

Ako’y nanlumo nang itigil ng San Miguel ang kanilang malaking proyekto sa Sumilao, Bukidnon. Nilason kasi ng mga komunista ang isipan ng mga magsasaka. Naging labis ang aking panlulumo nang panigan pa ng Pasyonistang mga pari ang magsasaka, at tinulungan silang maglakad, mula Sumilao hanggang Malacanang.

Bagaman ang aking tuon at panahon ay sa Diocese of Malolos, malapit din naman ako sa mga Pasyonista. Sila ang tagahubog ni Dionisia Pacquiao. Hanggang ngayon, tumatanaw ng utang na loob si Melai Cantiveros (GenSan) sa mga Pasyonista. Nang lumuwas sa Maynila si Melai para sa PBB, nanuluyan siya sa St. Vincent Strambi Seminary, ang seminaryo ng Pasyonista sa Phase 8A, Bagong Silang, North Caloocan.

Kinarma na si Noy. Takot na siya sa taumbayan. Ang siga, kapag hinubaran ng kapangyarihan (teritoryo) at iniwan ng tropa, parang daga na hinahabol ng pusa. Maging sa pananalita ay wala nang ere’t yabang. Pero, hindi siya makapagtatago. Masisilu at masisilo ka rin.

Hindi problema ng mga riders, tulad ko, ang “travel speed, reliability, passenger expense, and quality of service,” tulad ng binubusisi ng UP Institute of Civil Engineering School of Urban and Regional Planning, sa mass at private transport system sa Metro Manila. Di na malulutas ang bigat ng trapiko sa NCR, lalo pa’t iniluklok ang mayayabang na walang alam sa MMDA.

PANALANGIN: Di pinanlulumo ang hapis at trahedya sa buhay. Ang lahat ng problema ay hamon para tuklasin ang magandang bukas na wawakas sa lungkot. Ang ika-siyam na araw na nobena kay San Benedicto.

MULA sa bayan (0916-5401958; litobautista5319@yahoo.com): Bakit kinokontra ng mga dilaw si Pres. Duterte? Dito sa aming lungsod, wala nang dilaw. Anim na taon ang dilaw, di nila naayos ang Mindanao. Hayaan ninyong Mindanaoan ang mag-ayos sa Mindanao. Jeff, Barangay Gusa, Cagayan de Oro City …4566

Gusto namin ng martial law. Bakit ayaw ibigay sa amin ang gusto namin? Ibig namin tumahimik ang Marawi. Kaya yan ni Digong. Leave him or support him. Freda ng Barangay Calocan East, Marawi City …7092

Bakit may NPA pa rin? Akala namin mawawala na sila dahil martial law. Wena, Barangay Bitaugan, Surigao City …4109

Read more...