IPINAKITA na naman ng ating hustisya na walang laban ang mahihirap sa mga mayayaman o may kapangyarihan nang pinawalang-sala ng Makati Regional Court ang isang opisyal ng pulisya na pumatay ng isang hamak na basurero.
Wala raw ebidensiya, sabi ng korte sa pag-acquit kay Police Supt. Angelo Germinal sa pagpatay kay Christian Serrano, 13 anyos, noong 2012 sa isang abandonadong gusali sa Makati.
Itinuro ng tatlong testigo si Germinal na siyang pumatay kay Serrano, pero pinaniwalaan ni Judge Rico Sebastian Liwanag ang testimonya ng isang doktor, na hindi expert sa ballistics, na isang mataas na kalibre ng bala ang pumatay sa biktima.
Sinabi ng mga testigo ang ginamit ni Germinal ay isang .22 caliber na riple sa pagbaril sa biktima.
Kahit sinong first year law student ang magsasabi sa inyo na ang positive identification o pagkilala o pagturo sa salarin ay mas malakas kesa ibang ebidensiya, gaya ng balang ginamit, sa isang murder case.
Ang basehan ni Liwanag sa pagbasura sa murder case laban kay Germinal ay ang testimonya ni Dr. Voltaire Nulud, chief ng medico legal division ng Southern Police District Crime Laboratory.
Although inamin ni Nulud na hindi siya ballistics expert, sinabi niya na isang .38 caliber slug ang pumasok at lumabas sa katawan ng biktima.
Ang sinasabing .38 caliber slug ay hindi na natagpuan.
Ang natagpuan sa crime scene ay mga .22 caliber cartridges na tumutugma sa sinabi ng mga testigo na ang ginamit ay .22 caliber rifle.
Sinabi ni Nulud na ang .22 caliber slug ay napakaliit upang masira ang buto ni Serrano at tumagos sa kanyang katawan.
Nakalimutan siguro ni Nulud na ang bala ng .22 caliber rifle ay napakalakas dahil sa momentum o bilis ng takbo ng bala dahil sa haba ng barrel nito.
May bala nga na .22 caliber caliber na tinatawag na Stinger na kapag pumasok sa katawan ng tao ay lumalapad sa laki ng .38 caliber slug.
Bakit hindi nakita ni Judge Liwanag at ni Judge Cristina Javier-Sulit, na pumayag na makapagpiyansa si Germinal sa isang kasong murder, ang ganitong mga anggulo?
Bakit hindi nila inimbita ang isang forensics o ballistics expert, at hindi isang doktor, na tumestigo sa kaso?
Hindi dininig ni Liwanag ang kaso sa isang full-blown trial; binasa lang niya ang mga ebidensiya na isinumite ng mga abogado ng akusado at ng magulang ng biktima.
Ang Makati City prosecutor, na disin sana ay prosecuting attorney ng gobyerno, ay hindi naging aktibo sa kaso laban kay Germinal; bagkus ay iniwan ang pagpursige ng kaso sa isang mahinang abogado.
Ang kasabihan na hindi nananalo ang mahihirap sa isang kaso na kinasasangkutan ng mayaman o makapangyarihan ay naging totoo sa murder case ni Germinal.
Ang mga Binay kasi ang nasa likod ni Germinal, ayon sa mga balita na aking nakalap sa Makati.
Ang gusali kasi kung saan pinatay ni Germinal ang batang basurero ay pag-aari diumano ng mga Binay na naglagay sa kanya sa puwesto.
***
Dapat ay patalsikin sa puwesto ni Pangulong Digong ang dalawang Cabinet officials na pinasaringan ng column na ito noong Martes.
Pinipilit kasi ng dalawang opisyal ng Gabinete na ipagbili ng mga may-ari ng Mighty Corp. ang kumpanya sa Japan Tobacco Corp. upang mabayaran nito ang gobyerno ng diumano’y P20 bilyong pagkakautang na buwis.
Binibili ng Japan Tobacco ang Mighty ng P45 bilyon, pero gusto ng mga may-ari na ipagbili ito sa British American Tobacco na nagbibigay ng mas malaking halaga.
Pero ayaw ng dalawang opisyal at iniinsista na ipagbili nila ang kumpanya sa Japan Tobacco.
May bulung-bulungan na sa matitirang P25 bilyon sa Mighty, mapupunta ang P5 bilyon sa dalawang opisyal bilang lagay.
Kapag ipinagbili nga naman sa British American Tobacco ang Mighty walang lagay ang mapupunta sa dalawang opisyal dahil sa ilalim ng RICO (Racketeering, Influence and Corrupt Organization) Law na pinagbabawal ang pakikipagsabwatan sa corrupt practices ng isang US company sa mga transaction nito in any part of the world.
Ang British American Tobacco ay isang US company.