Personalidad nabaon sa utang dahil sa ipinatahing damit

MAY tampo sa administrasyong Duterte ang isang personalidad na napangakuan ng isang juicy position sa pamahalaan.

Bukod kasi na naipagkalat na niya na itatalaga siya bilang pangulo ng isang government corporation ay nagpatahi na rin siya ng kanyang mga gagamiting damit na akma sa kanyang executive position.

Sinabi ng ating Cricket na hindi pa bayad ang kanyang mga ipinagawang dress at daily working clothes dahil wala pa raw siyang suweldo.

Babayaran daw nya ang mga ito sa oras na tanggapin niya ang malaking suweldo sa kanyang target na posisyon.

Ang problema ay nakuryente ang ating bida dahil sa totoo lang ay wala naman palang bakanteng posisyon sa nasabing ahensya.

Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Madam na ilang beses na ring naisama sa mga foreign trips ng Pangulo.

Sa mga biyahe kasi ay ipinagmamalaki niya sa mga miyembro ng Gabinete na malapit na siyang maging pinuno ng isang ahensya sa pamahalaan na may hawak na malaking pondo.

Lagi ring ibinibida ni Madam na pinagkakatiwalaan at malapit siya sa pangulo pero sa totoo lang ay iniiwasan umano siya ng chief executive dahil sa kakulitan nito.

Minsan na ring naging laman ng balita ang ating bida nang hindi siya papasukin sa VIP lounge ng NAIA makaraan siyang nagpakilalang opisyal ng pamahalaan pero wala namang maipakitang ID.

Kilalang atribida sa iba’t ibang mga grupo ang ating bida na akala mo ay sikat na personalidad ayon pa sa ating Cricket.

Sa ngayon ang nag-iisang grupo na kanyang ipinagmamalaki ay ang organisasyon na kanyang binuo kung saan ay siya rin ang tumatayong lider nito.

Ang bida sa ating kwento ngayong umaga ay si Madam S…as in Sipsip.

Ang target niyang posisyon sa gobyerno ay pamunuan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Read more...